Magsasakang bumibili ng pagkain, dinampot ng 80th IB
Dinampot at ikinulong ng mga sundalo ng 80th IB noong Abril 27 ng gabi sa Tanay, Rizal ang 24-anyos na magsasaka na si Jonathan del Castello matapos siyang bumili ng pagkain para sa kanyang pamilya. Sa salaysay ng biktima, ipinailalim siya sa interogasyon ng mga sundalo kaugnay sa dala niyang mga pagkain sa hinalang may ihahatid niya iyon sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Ibinahagi ni Castello na tinakot siyang patayin ng mga sundalo. Aniya, narinig niyang nag-uusap ang mga ito kung “malalim” na ba ang nahukay ng isa sa kanila. Pinakawalan lamang siya ng 80th IB noong madaling araw ng Abril 28. Walang iniharap na kaso o mandamyento sa kanya.
Kinundena ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Rizal ang pagdukot, iligal na detensyon, interogasyon, pananakot at sikolohikal na tortyur sa magsasaka. “Buong magdamag nabalot ng takot at pangamba ang kanyang pamilya lalo na at hindi nila alam kung saan siya dinala ng mga pasistang 80th IB,” anang grupo.
Paliwanag nito, ang ginawa ng mga sundalo kay Castello ay maituturing na bahagi ng blokeyo sa pagkain at ekonomya, kung saan iniimbistigahan at nililimitahan ang mga pagkaing binibili. “Isa itong malinaw na paglabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Rights o CARHIHL,” anang grupo.
Nababahala ang PKM-Rizal para sa kaligtasan ng mga sibilyan dahil ang ginawa ng 80th IB ay bahagi ng desperasyong durugin ang BHB-Rizal. “Desperadong-desperado na ang 80th IB na matugis ang BHB-Rizal sa ilalim ng Narciso Antazo-Aramil Command, sukdulang dukutin ang isang magsasaka,” anito.
Noong Setyembre 2024, idineklara nang “insurency-free” ang Rizal.
Sa harap ng karahasang militar, nanawagan ang PKM-Rizal sa kapwa magsasaka na isulong ang digmang bayan at paigtingin pa ang pakikibaka hanggang sa paghawak ng armas at pagsapi sa BHB. “Ito lamang ang pinakamabisang paraan upang makalaya sa gapos ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala at pang-aabuso ng mga militar. Ang demokratikong rebousyong bayan ang tanging paraan upang magkaroon ng libreng pamamamahagi ng lupa dahil isinusulong nito ang rebolusyong agraryo,” anang grupo.