Mahigit 100, patay sa karumaldumal ng pambobomba sa Myanmar

,

Nasa 110 ang naitalang patay sa kahindik-hindik na pambobomba ng hunta militar ng Myanmar sa isang pagtitipon ng mamamayang Karen sa Pazi Gyi sa bayan ng Kantbalu, rehiyon ng Sagaing noong Abril 11. Sinundan ang pambobomba ng pang-iistraping ng helikopter na pangkombat, na nagdulot ng dagdag na mga kaswalti sa mga nagsumikap iligtas ang mga buhay pa. Lasog-lasog ang katawan ng mga biktima at marami sa kanila ang hindi na kayang kilalanin.

Kabilang sa mga namatay ang kababaihan at mga bata. Nakatipon noon ang mamamayan ng lugar para sa pagbubukas ng upisina ng lokal na administrasyon ng bayan. Ang rehiyon ay hindi saklaw ng hunta ng Myanmar kundi pinamamahalaan ng mamamayang Karen. Pinagsusupetsahan ng militar ng Myanmar na itinayo ng National Unity Government, ang kumakalabang gubyerno sa hunta, ang lokal na administrasyon.

Sa mga larawang inilabas ng The Irrawaddy, isang pahayagang nakabase sa Thailand, makikita ang sunog na mga katawan, gusali at sasakyan mula sa pambobomba. Ayon sa pahayagan, nagbakwit na lahat ng mga tao sa Pazi Gyi dahil sa pangyayari.

Mariing kinundena ng United Nations ang karumaldumal na krimen at nanawagan para sa proteksyon ng mga sibilyan, alinsunod sa internasyunal na makataong batas. Libu-libong sibilyan na ang pinatay ng hunta sa pagtatangka nitong supilin ang lumalakas na armadong paglaban ng mamamayan sa Myanmar, kasama ang iba’t ibang pambansang minorya sa bansa. Ayon sa UN, maaaring ituring na mga krimen laban sa sangkatauhan at krimen sa digma ang brutalidad na ipinapataw ng hunta sa mga sibilyan.

Inamin ng hunta ang pambobomba at pilit pa nitong binigyan-katwiran ang krimen sa pagsasabing tinarget nito ang National Unity Government at ang People’s Defense Force na binansagan nitong mga “terorista.”

AB: Mahigit 100, patay sa karumaldumal ng pambobomba sa Myanmar