Balita

Makiisa sa mamamayan ng Peru, panawagan ng ILPS

,

Pitong Peruvian ang naiulat na napatay sa serye ng mga protesta na nagsimula noong Disyembre 8. Kabilang ang pito sa puu-puong libong mamamayan sa Peru na humugos sa lansangan sa iba’t ibang bahagi ng bansa para itakwil ang kudeta sa parlamento na nagpatalsik sa halal na presidenteng si Pedro Castillo. Tinanggal sa pwesto si Castillo sa pamamagitan ng impeachment ng Kongreso. Inaresto siya pagkatapos siyang mapatalsik sa kasong “paglabag sa konstitusyon” dahil diumano sa tangka niyang lusawin ang Kongreso bago ito bumoto para sa kanyang impeachment.

Ang “institusyunalisadong kudeta” ay bahagi lamang ng krisis sa pulitika na matagal nang bumabayo sa Peru, ayon sa komite ng International League of People’s Struggles para sa Latin America at sa Carribean. Sa pahayag nito noong Disyembre 11, sinabi ng komite na ang instabilidad na dinaranas ng bansa, ngayon at sa nakaraang anim na taon, ay resulta ng pagtindi ng girian ng mga paksyon ng malalaking burgesya na ang layunin ay panatilihing “para sa iilan” ang Peru, at aktibong paglaban ng mayorya sa layuning ito. Anito, batid ng mamamayan na nagsisilbi pangunahin ang parlamento at mga institusyon ng Peru sa reaksyon at wala silang maasahan sa mga ito.

Malakas ang panawagan sa Peru na tugunan ng estado ang mga kagyat na usapin ng mga manggagawa at mamamayan. Malaki ang disgusto nila sa hindi pagtiwala ni Castillo sa kanilang mga organisasyon at sa “popular na mobilisasyon” sa harap ng matinding presyur sa kanya mula sa mga pwersang maka-Kanan sa gubyerno. Sa halip, binitawan ni Castillo ang mga hakbang na makatutugon sana sa mga hinaing ng mga manggagawa at mamamayan at tinangkang “resolbahin” ang krisis sa parlamento “mula sa loob” na nagresulta lamang sa kanyang impeachment. Agad siyang pinalitan ng kanyang bise-presidnte na si Dina Boluarte na nakipagkunsabo sa mayoryang maka-Kanang bloke sa Kongreso.

Sa mga lasangan, hindi lamang itinakwil ng mamamayang Peru ang pagkakatalaga kay Boluarte, nanindigan din silang lusawin na ang buong maka-Kanang parlamento. Ipinanawagan nila ang kagyat na paglulunsad ng bagong eleksyon.

Mayor na hiling ng popular na pag-aaklas, bago pa man maupo si Castillo, ang pagbasura sa konstitusyon ng bansa na nakabalangkas sa neoliberalismo at pagbubuo ng bago na tutungon sa kahingian ng mamamayan para sa soberanya sa harap ng lumalalang kalagayang pangkabuhayan. Isa sa mga dahilan ni Castillo sa paglusaw sana sa Kongreso ay para bigyan-daan ang pagtatayo ng isang Constituent Assembly.

“Nanawagan kami sa lahat ng mga anti-imperyalistang pwersang demokratiko sa Latin America at sa Carribean na makiisa at sama-samang mag-alsa kasama ang mga manggagawa at mamamayan ng Peru,” pahayag ng komite ng ILPS.

Hinikayat nitong “sumunod sa mga yapak ng nag-alsa na mga mamamayan ng rehiyon,” katulad ng ipinamalas ng mga pag-aalsa sa Argentina, Chile, Ecuador at Colombia. Sa mga ito tinangka ng mamamayan na “igpawan ang mga limitasyon ng tinawag na popular at maka-Kaliwang mga gubyerno na matagumpay na banggain ang mga plano ng naghaharing uri, at bigyan-daan ang pambansa at panlipunang paglaya sa ating mga bansa.”

AB: Makiisa sa mamamayan ng Peru, panawagan ng ILPS