Tangkang kudeta sa Brazil, itinakwil ng mga manggagawa at mamamayan
Itinakwil ng mga manggagawa at mamamayang Brazilian ang naganap na tangkang kudeta noong Enero 8 laban sa halal na presidente ng bansa na si Luiz Inácio Lula da Silva (kilala bilang Lula). Kaugnay nito, nakikiisa ang komite ng International League of Peoples’ Struggles para sa Latin America at Carribean sa panawagan ng aktibong pagpapakilos laban sa anumang aksyon na nakaaapekto sa mga karapatan at demokratikong kalayaan ng mamamayang Brazilian.
Nanalo si Lula sa eleksyong pampresidente noong Oktubre 2022 nang makuha niya ang 50.8% na boto kumpara sa 49.2% ng noo’y nakaupong presidente na si Jair Bolsonaro. Bagamat di direktang hinamon ng pasistang si Bolsonaro ang resulta, walang awat ang pang-uupat niya at ng kanyang pangkatin sa kanilang mga tagasuporta na guluhin ang pag-upo ni Lula. Ginawa niya ito dahil nahaharap siya sa maraming kasong kriminal at elektoral kaugnay sa ektrahudisyal na mga pamamaslang, pagkalbo sa kabundukang Amazon at palpak na tugon sa pandemya. Lumipad siya tungong US noong Disyembre 2022 para takasan ang nakaambang mga kaso sa kanya. Samantala, upisyal na nanumpa si Lula noong Enero 1.
Aktibo ang pangkatin ni Bolsonaro sa pang-uupat ng karahasan mula pa Oktubre, hanggang sa tangkang kudeta noong Enero 8. Kontrolado ng tinatawag na mga “Bolsonarista” ang Senado at malaking bahagi ng Chamber of Deputies (mababang kapulungan). Animo’y pinabayaan lamang ang tangkang pag-okupa ng mahahalagang gusali ng upisyal panseguridad ng bansa at ng gubernador ng syudad na parehong kaalyado ng dating presidente. Gayunpaman, hindi pa rin nagawa ng mga Bolsonarista na itaob ang paghahari ni Lula, na bahagi ng tinaguriang “pink tide” o “maka-Kaliwang” gubyerno sa Latin America.
“Malinaw na ang mga reaksyunaryong pwersa na pinangungunahan ni Bolsonaro ang tunay na banta sa mamamayan ng Brazil,” ayon sa ILPS-Committee for Latin America and the Carribean. “Ang mga pwersang ito ay suportado ng makapangyarihang sektor ng naghaharing uri, partikular sa hanay ng agribisnes at pagmimiba.”
Ang marahas na tangkang kudeta ay huli lamang sa krisis sa kapangyarihan na matagal nang bumabayo sa lipunang Brazilian. Ang isang pagkakaiba sa kasalukuyang koalisyon na pinamumunuan ni Lula, ayon sa ILPS, ay ang kanyang planong kumprontahin ang mga pinakareaksyunaryong mga pwersang dito.
Sa kalagayang tumatalas ang banggaan ng iba’t ibang reaksyunaryong pwersa, nananawagan ang ILPS sa mga pinakamulat at determinadong mga sektor ng lipunang Brazilian, na harapin ang hamon para pamunuan ang gitgitang paglaban sa lahat ng tipo reaksyon sa lahat ng senaryo, at buuin ang tunay na demokrasya para sa mga manggagawa at mamamayan.