Malaking dagdag-sahod, kailangan para makaagapay ang mamamayan sa implasyon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Tumaas man ang aktwal na natatanggap na sahod ng mga manggagawa sa nakaraang apat na dekada, mas mababa pa rin ang tunay na halaga nito kumpara noong 1990.

Ayon sa Ibon Foundation, ang tunay na halaga ng ₱610 minimum na sahod sa National Capital Region ay ₱503 lamang ngayong 2024. Mas mababa ito nang 22% sa tunay na halaga ng sahod noong 1990, kung kailan unang pinatupad ang rehiyunalisasyon ng sahod.

“Hindi naging sapat ang ₱370 inilabas ng mga rehiyunal na wage board na wage order…para umagapay sa implasyon,” ayon kay Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation. Sa pagkwenta ng Ibon, mas mababa sa family poverty level ang aktwal na sahod sa lahat ng mga rehiyon liban sa National Capital Region. Gayunpaman, nasa kalahati pa rin ito sa pangrehiyong nakabubuhay na sahod na ₱1,192 kada araw para sa lima-kataong pamilya.

Sa gayon, mangangailangan ng malaking dagdag-sahod para habulin ang nakabubuhay na sahod para sa mga manggagawa. Ayon kay Africa, ito ay makatarungan at kayang ipatupad ng mga kapitalista (viable).

Aniya, mula 2020 at 2022 lamang, sumirit nang 104% ang kita ng 100 pinakamalalaking kumpanya sa bansa, at nang 28% ang kita ng lahat ng mga kumpanya. Gayundin, lumobo nang 31% ang personal na yaman ng 50 pinakamayayamang Pilipino. Sa kabilang banda, lumaki lamang ng abereyds na 11% ang natatanggap na sahod ng mga manggagawang Pilipino.

Sa kwenta ng Ibon, kayang ibigay ng mga kapitalista ang ₱150 panukalang dagdag sahod na nakahapag sa Senado at kahit ang ₱690 na panawagang dagdag-sahod para abutin ang pambansang abereyds na ₱1,207 nakabubuhay na sahod. Ito ay dahil 11% sa kabuuang gastusin ng mga kapitalista ang aktwal na napupunta sa sahod.

“Ang ₱150 dagdag sahod ay katumbas sa 10.6% kita ng lahat ng empresa at 11.3% para sa katamtamang-laki at maliliit na empresa,” ayon sa grupo.” Samantala, ang ₱690 na dagdag sahod ay katumbas naman ng 49% ng kita ng lahat ng mga establisimento, anito.

“Pinakamadali ang (₱690) na dagdag-sahod para sa katamtamang-laki at malalaking kumpanya, habang maaaring bigyan ng estado ang maliliit na kumpanya ng subsidyo o iba pang suporta,” ayon sa Ibon.

Pinabulaanan ng mga datos na ito ang “doomsday scenario” o senaryong katapusan ng mundo na ipinalalaganap ng malalaking dayuhang kapitalista at kanilang lokal na mga kasabwat na malulugi ang katamtamang-laki at maliit na mga kumpanya kung itaas nang kahit katiting ang sahod. Sa aktwal, pinakamataas na ang hatiang 50-50 sa pagitan ng manggagawa at kapitalista, na tinawag ng Ibon na “higit sa patas.”

Kinutya din ng grupo ang “simplistikong pananakot” na nagsasabing sisirit ang implasyon kung itataas ang sahod.

“Ang 39% na dagdag-sahod noong 1989 ang pinakamalaki sa nakaraang mga dekada, at huli sa lehisladong dagdag-sahod, pero sa harap nito ay bumagal ang implasyon noong 1989 at 1990, kumpara noong 1988,” ayon sa grupo. Tumaas ang implasyon noong 1991 hindi pa dahil sa ipinatupad na dagdag-sahod, kundi dahil sa biglaang pagbagsak ng halaga ng piso kontra dolyar.

Ayon kay Africa, suportado ng Ibon ang lahat ng panukala para sa dagdag-sahod. “Mas malaki, mas mainam,” aniya.

AB: Malaking dagdag-sahod, kailangan para makaagapay ang mamamayan sa implasyon