Balita

Mamamayan ng San Jose Del Monte, Bulacan, nagprotesta laban sa korapsyon at pribatisasyon

,

Sama-samang nagmartsa ang mga residente ng San Jose Del Monte (SJDM) sa ilalim ng organisasyong Concerned Citizen of SJDM noong Oktubre 9, mula sa harap ng simbahan ng UCCP Sapang Palay tungong Sampol Market. Panawagan nila ang pagpapanagot sa lahat ng kurakot at sangkot sa korapsyon, solusyon sa matagal nang problema ng mga residente na Primewater at seguridad sa pagkain.

Kasalukuyang sentro sa isyu ng korapsyon ang bayan ng San Jose Del Monte dahil kabilang ang bagong upong meyor na at dating kongresista na si Florda Robes sa pinangalanan ng mag-asawang Discaya na tumatanggap ng ‘kickback’ para sa mga maanomalyang proyektong flood-control sa prubinsya ng Bulacan.

Naglunsad din ng porum na ‘Land, water and food security: People’s Control over People’s Resources’ sa parehong araw sa simbahan ng UCCP. Nagsilbi rin itong paunang aktibidad ng Concerned Citizens of SJDM at paggunita sa Buwan ng mga Magsasaka ang aktibidad.

Bago magsimula ang protesta ay nagpadala ang lokal na gubyerno ng mga myembro ng SWAT at truck ng bumbero malapit sa assembly area. Pagkatapos ng atkibidad, hinarang at ginipit ng mga traffic enforcer ang mga papauwing kalahok sa protesta at tinekitan ang mga drayber ng jip na nagsilbing serbis ng grupo. Kapansin-pansin din ang umaaligid na mga sasakyan ng lungsod sa simbahan kung saan naganap ang porum.

Bago ang protesta sa SJDM, naglunsad din ng protesta sa iba’t ibang bayan sa Bulacan, kabilang ang Balagtas, Baliuag, Bocaue, Calumpit, Guiguinto, Hagonot, Paombong, at Pulilan.

AB: Mamamayan ng San Jose Del Monte, Bulacan, nagprotesta laban sa korapsyon at pribatisasyon