Manggagawang pangkalusugan ng RITM, tutol sa balak na pagsasara sa ospital

Naglunsad ng protesta ang mga manggagawang pangkalusugan ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) noong Nobyembre 18 para batikusin ang bantang pagpapasara ng ospital. Kinundena rin nila ang hindi pagbabayad ng kanilang Health Emergency Allowance para sa Hulyo-Disyembre 2021 at Hulyo-Disyembre 2022. Pinangunahan ng Alliance of Health Workers (AHW) ang naturang pagkilos.

Nangangamba ang mga manggagawang pangkalusugan na ipasara ang RITM at mawalan sila ng trabaho dahil sa pagbuo ng gubyerno ng Philippine Center for Disease Prevention and Control (PCDC). Minamadali na ng rehimeng Marcos ang panukala para rito.

“Ang pagbubuo ng PCDC ay magreresulta sa malawakang dislokasyon, maramihang tanggalan at pag-streamline sa mga manggagawang pangkalusugan ng RITM at ibang ahensya sa ilalim ng Department of Health,” ayon kay Romeo Garcia, pangulo ng Research Institute for Tropical Medicine Employees Association-AHW.

“Ano nang mangyayari sa amin?” tanong ni Garcia. Sa mga panukalang batas kaugnay ng PCDC, walang malinaw na probisyon kung anong mangyayari sa mga manggagawang pangkalusugan.

Puna pa ng unyon at ng AHW, ang pagbubuo ng PCDC ay gagawin sa ilalim ng iskemang public-private-partnership (PPP). “Batay sa mga panukala, manggagaling ang pondo…sa pribadong sektor,” pagbabahagi ni Garcia.

Paninindigan ni Robert Mendoza, pambansang pangulo ng AHW, “tiyak na makokompromiso ang serbisyong pangkalusugan para sa taumbayan dahil hindi ito buong popondohan ng gubyerno.”

“Kung bubuwagin ang RITM, mababawasan ang bilang ng mga ospital na nag-aasikaso at nag-eespesyalisa sa panggagamot sa sakit na nakahahawa at pang-tropiko. Mangangahulugan ito ng pagkakait ng serbisyong kalusugan sa mga pasyente,” dagdag pa ng unyon.

Nanindigan ang grupo at mga manggagawang pangkalusugan na ipagpapatuloy ang pagtutol sa bantang pagbuwag sa ospital.

AB: Manggagawang pangkalusugan ng RITM, tutol sa balak na pagsasara sa ospital