Balita

Manggagawang pangkultura sa Bikol, ni-red-tag ng AFP

,

Mariing kinundena ng production team ng dulang ‘Higit sa Pag-ibig, The musical’ ang red-tagging, panggigipit, at surbeylans ng AFP kay ‘Julie’ ang nagtanghal bilang ‘Mommy Kendi’ sa dula.

Nitong mga nakaraang linggo, namataan sa Legazpi City at sa ibang bahagi ng rehiyon ang mga nakapaskil na pahayag na nag-red-tag sa mga lider ng organisasyong masa sa syudad. Kabilang sa malisyosong paskil ay ang litrato ni Julie na kinuha sa isang anti-korapsyon na protesta noong Setyembre 21. Bago nito, napansin ni Julie na siya ay sinasarbeylans.

Ayon sa grupo, si Julie ay isang lehitimong alagad ng teatro na may kahanga-hangang rekord bilang aktor, guro, direktor, at tagapagpadaloy ng mga workshop. Nagsusulong din siya ng karapatan at kagalingan ng mga artista.

“Sa panahon na kumakaharap ang bansa ng samu’t saring mga iskandalo, malawakang kaso ng korapsyon, at paglustay sa pondo ng bayan, hindi namin maiwasang mapaisip sa napakahirap sa sitwasyon ng mga artista at sektor ng sining. Nagsusumikap lamang kami na mabuhay at magpatuloy sa paglikha ng sining sa kabila ng kawalan ng suporta o pondo. Naninindigan kami para sa pananagutan mula sa mga sangkot sa red-tagging. Hindi kami mapapatahimik ng anumang pananakot.”

“Ang red-tagging, pagpapatahimik sa mga lumalaban, at surbyelans ay kabilang sa mga isyung mismong itinampok namin sa Higit sa Pag-ibig, The Musical. Tulad ng Barangay Eskwala, ang komunidad na inilalarawan sa aming palabas, patuloy din kaming maninindigan,” pahayag ng grupo

Nananawagan ang production staff ng dula sa kapwa nila artista na ipagtanggol ang kanilang hanay at ipagpatuloy ang pagpanawagan at pagtindig para sa karapatan at kagalingan ng komunidad.
___
*Ang ‘Higit sa Pag-Ibig, The Musical’ ay dula na nilikha ng Sining Banwa, pangkulturang organisasyon na naka-base sa Albay.

AB: Manggagawang pangkultura sa Bikol, ni-red-tag ng AFP