Mapagpasyang aksyon at imbestigasyon, panawagan sa pagkamatay ng OFW sa Kuwait
Nanawagan ang Migrante Middle East sa rehimeng Marcos ng mapagpasyang aksyon at imbestigasyon sa kalunus-lunos na pagkamatay ng overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait na si Dafnie Nacalaban. Natagpuan ng mga awtoridad ng Kuwait ang halos dalawang buwan nang naagnas na bangkay ng biktima sa likod-bahay ng kanyang amo.
Ayon sa kapatid ni Nacalaban, nakontak pa nila si Dafnie noong Mayo 2024. Aniya, sinabi ni Dafnie na balak niyang umuwi sa Disyembre 2024 para sorpresahin ang pamilya.
Sa impormasyon ng mga upisyal sa Kuwait, nadiskubre ang bangkay matapos na ang pagkawala ni Dafnie ay iulat ng kapatid mismo ng suspek sa pagpaslang. Nasa kustodiya na ng gubyerno ng Kuwait ang suspek na napag-alamang mayroon nang kriminal na rekord sa nakaraan.
Panawagan ng pamilyang Nacalaban ang maiuwi ang bangkay ni Dafnie at hustisya para sa kanyang pagkamatay.
“Ang pagkawalang ito ay labis na nakalulungkot, at kinakailangan na masusing pag-aralan ang mga sirkunstansya ng insidente para tiyakin ang pagkakamit ng hustisya,” ayon sa Migrante Middle East. Hinimok nila ang gubyerno ng Kuwait at Pilipinas na mabilis at mapagpasyang kumilos para pigilan na muling maulit ang katulad na insidente sa hinaharap.
Anito, “dapat itaguyod ang dignidad at karapatan ng bawat manggagawang Pilipino.” Pahayag pa ng grupo, habang tinitiyak ng gubyerno ang proteksyon para sa mga manggagawang migranteng Pilipino ay dapat itong “magpatupad ng pangmatagalang estratehiya para lumikha ng disenteng mga trabaho sa loob ng bansa.”
Nagsimulang ipatupad noong 1974 sa ilalim ng diktadurang Marcos ang “labor export policy” kung saan ipinadadala ang mga Pilipino sa ibang bansa para maghanap ng trabaho. Pormal itong ipinatupad sa balangkas ng Labor Code of the Philippines (Presidential Decree No. 442). Sa unang siyam na buwan lamang ng 2024, higit 7,500 manggagawa ang umalis ng bansa araw-araw para maghanap ng trabaho sa ibang bansa.