Mapangwasak na kagamitan sa konstruksyon ng pamilyang Limkaichong, pinaralisa ng BHB-Central Negros
Isinagawa ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros (Leonardo Panaligan Command) ang pagparusa laban sa mapandambong at mapangwasak na operasyong ng kumpanyang pag-aari ng malaking kumprador na si Limkaichong noong Pebrero 8 sa Barangay Aya, La Libertad, Negros Oriental. Pinaralisa ng yunit ang isang dump truck, isang pison, at dalawang backhoe na ginagamit sa pagtatayo ng kalsada para sa mina at plantasyon. Tinatayang ₱20 milyon ang kabuuang danyos ng operasyon.
Pinasinungalingan ni Ka JB Regalado, tagpagsalita ng yunit, ang sinasabi ng militar at lokal na gubyerno na para sa ikabubuti ng mamamayan ng Central Negros ang ginagawang diumano’y “farm-to-market road.”. Aniya, ang kalsada ay para lamang pabilisin ang pagpasok ng malalaking korporasyon at kasosyo sa negosyo ng mga Limkaichong sa liblib na mga lugar.
“Magbibigay-daan ito sa operasyon ng malalaking mina, pagpapatanim sa komersyal na reporestasyon sa ilalim ng National Greening Program, mga plantasyon, at iba pang mga proyektong makasisira sa kalikasan at magpapalayas sa mamamayan sa mga apektadong komunidad sa kabundukan,” ayon pa kay Ka JB.
Nanawagan si Ka JB sa mga residente sa La Libertad na huwag magpalinlang sa mga patakarang ipinatutupad ng reaksyunaryong gubyerno at panlalasi na makapaghahatid ito ng “kaunlaran” sa kanila. “Malinaw ang katotohanan, naghahatid lamang ito ng benepisyo sa mga mayayaman at hindi sa mayorya ng mga magsasaka,” aniya.
Inaasahan din na katuwang ng kalsadang ito ang mas matindi pang militarisasyon sa mga barangay at komunidad na sakop ng La Libertad at katabing mga syudad at bayan, pareho sa Negros Oriental at Negros Occidental. Ang Central Negros ay sentro ng kaliwa’t kanang paglabag sa karapatang-tao ng Armed Forces of the Philippines sa buong isla sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Ang armadong aksyon ng BHB-Central Negros, isa sa limang larangang gerilya sa isla ng Negros, ay malinaw na nagpapasubali sa deklarasyong state of stable internal peace and security (SIPS) sa isla noong Marso 25, 2024. Ang deklarasyon ay nagsasabing wala o mahina na ang BHB sa Negros Island.