Marcos, muling kinundena sa pagtatanggol sa berdugong NTF-Elcac
Muling ipinagtanggol ni Ferdinand Marcos Jr ang pasistang ahensyang NTF-Elcac sa gitna ng tuluy-tuloy na panawagang buwagin ang ahensya. Sa isang pahayag noong Marso 26, sinabi niyang “magpapatuloy” ang ahensya at na naging “matagumpay” ito at kailangang ipagpatuloy ang “pamumuhunan” dito. Ipinagmalaki ito ng upisyal ng NTF-Elcac, na nagsabing “naengganyo” si Marcos dahil sa mga “ulat” ng ahensya.
“Anong mga ulat? Ang ibig ba niyang sabihin ay ang mga ulat ng 119 extrajudicial killings, 76 na frustrated extrajudicial killings, 14 na sapilitang pagkawala, 762 na bilanggo ng pulitika at 3,706,431 na kaso ng pambabanta, panliligalig at panggigipit hanggang sa katapusan ng 2024?” tanong ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.
Matagal nang ipinanawagan ng Karapatan, kasama ng maraming mga demokratikong organisasyon, ang pagbubuwag sa NTF-Elcac, isang ahensyang binuo sa ilalim ni Rodrigo Duterte, at ipinagpapatuloy at nakatakda pang dagdagan ng pondo ni Ferdinand Marcos Jr.
Panata ng Karapatan na hadlangan ang pagtatangka ni Marocs na dagdagan ng pondo at rekurso ang ahensya.
“Palalakasin namin ang kampanya upang para mapabuwag ang ahensya at itambak sa mga basurahan bilang isang maruming labi ng mga rehimeng Marcos Jr at Duterte,” ayon kay Palabay.
Noong Marso 25, inilabas ng Karapatan ang taunang ulat nito kaugnay sa mga krimen ng rehimeng Marcos Jr mula nang maluklok ito sa poder. Sa ulat na ito, sinabi ng grupo na hindi maitatanggi na ang katotohanan na walang ginawang pundamental na mga pagbabago si Marcos Jr sa mga pasistang patakaran ni Duterte.
“Hindi nakagugulat na ang parehong mga paglabag ay nagpapatuloy sa ilalim ni Ferdinand Marcos Jr,” ayon sa grupo. Anito, pareho lamang na pasista ang dalawa.