Marcos, sinungaling sa pagsabing tumaas na ang bilihan ng palay

Sadyang nagsisinungaling si Ferdinand Marcos Jr at kanyang mga alipures sa Department of Agriculture sa mga pahayag na tumaas na tungong ₱24 kada kilo ang bilihan ng palay ngayong anihan. Sa Camarines Norte, umaabot lamang sa ₱16 hanggang ₱18.50 ang bilihan nito. Sa unang distrito ng Camarines Sur, nasa ₱14-₱18 ang bilihan. Nangangamba ang mga magsasaka sa prubinsya na babagsak pa ang presyo tungong ₱12 kada kilo dahil tag-ulan na. Walang mga patuyuan ang mga magsasaka kaya napipilitan silang ibenta ito sa bilihang basa (wet).

Sa nakalap naman na mga ulat ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, pinakamataas na ang ₱22 na bilihan nito sa limitadong mga erya. Sa maraming lugar, nasa ₱18-₱20 lamang ang bilihan nito. Sa mga ulat na nakalap ng grupo, pinakamababang bilihan ang ₱16 kada kilo sa Iloilo.

Walang pagbabago sa bilihan ng palay dahil hindi naman ang National Food Authority (NFA) ang bumibili ng kanilang ani kundi mga komersyante. Mula nang ipatupad ang Rice Liberalization law, wala nang binibili ang NFA na ani mula sa mga magsasaka. Wala ring epekto ang pakitang-taong utos ni Marcos na itaas ang bilihan dahil napakaliit na porsyento lamang ng ani ang kayang bilhin ng ahensya.

Anang tagapangulo ng KMP na si Danilo Ramos. “Mababa pa rin ang presyo ng palay habang napakamahal pa rin ng bigas sa merkado. Walang signipikanteng epekto ang price cap na ipinataw ng Malacanang sa bigas.”

Bilihan ng palay
Camarines Sur – ₱14-P18
Iloilo – ₱16-₱17.50/kilo
Camarines Norte – ₱16-₱18.50
Albay – ₱18/kilo
Mindoro Occidental – ₱18/kilo
Negros – ₱18-₱19/ kilo
Nueva Ecija – ₱18-₱19/ kilo
Laguna – ₱19-₱20/kilo
Zamboanga Sibugay – ₱20/kilo
Palawan – ₱22/kilo

Katunayan, umabot nang 17.9% ang rice inflation o tantos ng pagtaas ng presyong bigas noong Setyembre, malaking talon mula sa 8.7% na tantos nito noong Agosto, ayon pa sa grupo. Pinakamabilis ito na pagtaas ng presyo ng bigas sa nakaraang 14 taon.

Sa sarbey mismo ng Philippine Statistics Authority, 24% lamang sa regular rice ang ibinenta sa presyong ₱41 kada kilo. Samantala, 20% sa well-milled rice ang ibinenta sa ₱45 kada kilo na siyang “maksimum” na presyo na itinakda ni Marcos. Sa buong bansa, nanatiling nasa abereyds na ₱47.50 ang kilo ng regular-milled na bigas at ₱52.70 kada kilo para sa well-milled na bigas.

AB: Marcos, sinungaling sa pagsabing tumaas na ang bilihan ng palay