Marcos, walang nagawa para sa magsasaka

Inutil si Ferdinand Marcos Jr sa pagharap sa krisis sa pagkain at agrikultura mula nang maupo siya sa poder, ayon sa grupo ng kababaihang magsasaka na Amihan.

“Kung susumahin ang isang taon ni Marcos, bokya o walang nagawa para sa krisis sa pagkain at agrikultura dahil simula’t sapul, palaasa sa importasyon at puro bukambibig ang pagresolba sa food insecurity,” pahayag ni Zenaida Soriano, pambansang pinuno ng grupo. Aniya, wala silang narinig o nakitang konkretong aksyon sa pagpapaunlad ng lokal na produksyon para matulungan ang mga magsasaka at para may makain ang mamamayan.

Sa halip na pagsikapang maging food-sufficient o nakasasapat sa pagkain ang bansa, inatupag ni Marcos ang pag-import ng bigas, sibuyas, gulay, isda at marami pang iba at pagpasok sa tagibang na mga kasunduan tulad ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) na wawasak sa agrikultura.

Pagpapabaya at pagkakanulo sa interes ng mahihirap na Pilipino ang inihain ni Marcos. Pinatindi niya ang liberalisasyon sa agrikultura, habang walang ibinigay na suporta sa lokal na prodyuser ng pagkain.

“(N)alalantad si Marcos bilang pabaya at kung anu-anong band aid solutions lang ang ginawa para dito pero nananatiling gutom ang mamamayan,” ani Soriano. “Hanggat nariyan si Marcos bilang agriculture secretary, hindi magiging affordable, available, at accessible ang mga pagkain sa bansa kagaya ng bigas lalupa’t kung ang lahat ng ito ay iniaasa sa importasyon,” aniya.

Panawagan ng grupo, dapat na siyang mag-resign na bilang agriculture secretary.

Kasama ang Amihan sa protestang kasalukuyang isinasagawa ng mga progresibong grupo sa Mendiola sa Maynila bilang paggunita sa unang taon sa poder sa inutil at pahirap na rehimeng Marcos.

AB: Marcos, walang nagawa para sa magsasaka