Martsa ng kabataan kontra “chacha,” inilunsad sa Maynila

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagmartsa ang mga kabataan at estudyante ng University Belt, sa pangunguna ng ONE U-BELT, sa Maynila noong Pebrero 16 para ipahayag ang pagtutol sa komersyalisasyon ng edukasyon at paglaban sa makadayuhang charter change o “chacha” ng rehimeng Marcos. Nagtipun-tipon ang mga grupong pambansa-demokratiko ng mga kabataan sa University of Sto. Tomas sa España at nagmartsa tungo sa kampus ng Far Eastern University sa Morayta.

Giit ng mga grupo, kung maisasagasa ng rehimeng Marcos ang “chacha” ay ibayo nitong patitindihin ang komersyalisado nang tipo ng edukasyon sa bansa dahil pahihintulutan nito ang buu-buong pag-aari ng dayuhan sa pagpapatakbo ng edukasyon. Mangangahulugan umano ito ng pagtaas ng matrikula, kakulangan ng mga pasilidad, at pagsupil sa pang-akademikong kalayaan ng mga estudyante.

“Banta ng Charter Change ng rehimeng Marcos ang gawing palaruan ang ating bansa para sa mga naglalakihang dayuhang korporasyon upang gawing komersyalisado at pribatisado ang serbisyo sa mamamayan, lalo na ang edukasyon,” pahayag ng Anakbayan-Morayta. Giit pa ng grupo, patunay ito na hindi nagsisilbi sa mamamayan ang pakanang “chacha” ni Marcos.

AB: Martsa ng kabataan kontra "chacha," inilunsad sa Maynila