Mary Jane Veloso, posibleng malipat ang kustodiya mula Indonesia tungong Pilipinas
Itinuring ng Migrante International bilang positibong hakbang ang posibleng paglilipat ng kustodiya ni Mary Jane Veloso mula sa Indonesia tungo sa Pilipinas. Lumitaw ang posibilidad na ito kasunod ng pagbisita ng ambassador ng Pilipinas sa Indonesia sa Coordinating Ministry for Legal, Human Rights, Immigration, and Correction ng bansa noong Nobyembre 11.
“Tinatanaw namin ito bilang isang positibong pag-unlad at isang malugod na pagkakataon para tugunan ang sitwasyon ni Mary Jane na nasa death row prison sa Indonesia sa nagdaang 14 na taon,” pahayag ng Migrante International. Si Veloso ay nakakulong sa Indonesia mula pa noong 2010 dahil sa kasong drug trafficking. Malaon nang napatunayan na siya ay biktima lamang din ng human at drug trafficking ng kanyang rekruter.
Noong 2015, nailigtas sa parusang pagbitay si Veloso dulot ng paggigiit ng mamamayang Pilipino. Nananatili siyang nakapiit sa Jakarta, Indonesia sa kabila ng pag-usig sa mga iligal na rekruter niya at matagal nang panawagang palayain siya.
Iginiit ng Migrante International na dapat maluwag na tratuhin ng rehimeng Marcos ang kaso ni Veloso dahil siya mismo ang biktima ng human trafficking. Anila dapat itong gawin sa makataong batayan, at dahil walang parusang pagbitay sa Pilipinas.
Ayon sa upisyal ng ministro ng Indonesia na si Yusril Ihza Mahendra, tinalakay na sa bagong-halal na pangulo ng bansa na si President Prabowo Subianto Djojohadikusumo ang panukalang paglilipat at gumagawa na ng mga hakbang para buuin ang patakaran.
Kaugnay nito, itinutulak ng Migrante International na kunin ang sinumpaang salaysay ni Veloso na siya ay biktima ng human trafficking. Isinampa ang kasong human trafficking laban sa mga nadakip na rekruter ni Veloso sa isang korte sa Nueva Ecija.
“Sa nagdaang siyam na taon ay ipinaglalaban ni Mary Jane at kanyang pamilya ang pagpapanagot sa korte sa mga [iligal na nagrekrut] sa kanya at karapat-dapat lamang na makamtan nila ang buong hustisya,” pahayag ng grupo.
Nanawagan ang Migrante International sa mga Pilipino at tagasuporta ng kampanyang Free Mary Jane Campaign na makilahok sa mga isasagawa nitong kilos protesta, mga martsa, petisyon at sulat at iba pang mga aksyon para itulak ang rehimeng Marcos na kaagad tumugon sa hinihinging katarungan ni Veloso.
“Ang kanyang kalagayan ay simbolo ng pagsasamantala at pagdurusa ng hindi mabilang na mga migranteng manggagawang Pilipino, na araw-araw ay nagiging biktima ng human trafficking bilang resulta ng labor export program ng administrasyon Marcos Jr,” pahayag pa ng grupo.
Itinuring din ng mga abugado ni Veloso at ng National Union of People’s Lawyers ang balitang ito bilang pinakamalaking pagkakataon para maiuwi siya sa Pilipinas at tiyakin ang kanyang kalayaan.