Balita

Mas maraming protesta kontra korapsyon, panawagang ilunsad sa buong bansa

,

Nanawagan ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ng sustenidong lokal at pambansang mga protesta ngayong Oktubre hanggang Nobyembre para tiyakin na mapapanagot ang lahat ng mga sangkot sa katiwaliang tuluy-tuloy na nabubunyag. Ipinahayag ito ng grupo sa harap ng walang katiyakan, mga urong-sulong at nakompromisang imbestigasyon ng House of Representatives, Senado at ng binuo ng Malacañang na komisyon hinggil sa malawakang katiwalian sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Noong Oktubre 5, bumaba sa pagka-tagapangulo ng Senate Blue Ribbon Committee si Sen. Ping Lacson kasunod ng sinasabing kawalang tiwala ng mga senador sa nagiging direksyon ng imbestigasyon ng komite sa katiwalian sa mga proyektong flood control. Ayon sa Bayan, ang ganitong mga pangyayari sa senado ay “malinaw na palatandaan kung paano binabagbag ang paghahangad ng pananagutan dahil sa walang prinsipyong kompromiso, transaksyunal na pulitika, at pampulitikang akomodasyon.”

Matatandaan rin na inihinto na ng komite sa House of Representatives noong Setyembre 24 ang sarili nitong imbestigasyon. Kaugnay ito ng kanilang desisyon na ipaubaya na ang pag-usisa sa katiwalian sa binuo ng Malacañang na Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Para sa Bayan, ang komisyon ng Malacañang ay “walang ngipin, independensya at transparency” dahil isinasagawa nito ang imbestigasyon na malayo sa mata ng publiko at mga kritiko. “Nagiging mas malinaw na ang tunay na layunin nito ay para pigilan ang pag-usisa sa mga ghost project, at iba pang maanomalyang gastos ni Marcos Jr, kanyang mga malalapit na kaanak, at mga kroni,” ayon sa grupo.

Sa pagitan ng 2022 at 2025, naglaan si Marcos ng ₱545 bilyon para sa 9,855 proyektong flood control. Lampas 6,000 sa mga ito ang nabunyag na palpak, pag-uulit ng dating proyekto at di kumpleto. Nitong Oktubre, isiniwalat sa Kongreso ni Rep. Antonio Tinio, kinatawan ng ACT Teachers Party-list, na di bababa sa 3,700 dagdag na proyekto na nagkakahalaga ng ₱214.4 bilyon ang inaprubahan ni Marcos mismo at pinondohan mula sa hawak niyang pondong unprogrammed allocations (UA) noong 2023-2025.

Batay sa upisyal na datos ng estado mismo, inilaan ni Marcos sa DPWH ang ₱61.4 bilyon ng UA noong 2023 para sa 1,889 proyekto at ₱153 bilyon noong 2024 para sa 1,811 proyekto. Ang pinakamalaking bahagi o ₱141 bilyon ay para sa mga proyektong flood control, habang ang natitira ay para sa pagkumpuni ng mga kalsada at mga multi-purpose na gusali. Karamihan sa mga tinustusan ng pondong UA ni Marcos ay matatagpuan sa mga rehiyon ng Central Luzon at Calabarzon, at sa Cebu, mga lugar na sentro ng imbestigasyon dahil sa mga palpak at ghost na proyekto.

Bago nito, nabunyag na rin sa pamamagitan ng espesyal na ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism na tumanggap si Marcos ng ₱21 milyon mula sa dalawang kontraktor bilang kontribusyon sa kanyang kandidatura noong 2022, labag sa mga tuntunin ng reaksyunaryong eleksyon.

Sa harap ng mga ito, higit umanong nagiging malinaw na hindi interesado ang mga korap na burukrata sa pag-alam sa katotohanan kundi sa pag-cover up sa kanilang sariling mga krimen. Naniniwala ang grupo na tanging sa paglulunsad ng sustenidong pagkilos ng mamamayan matitiyak na ang lahat ng mga sangkot sa katiwalian ay haharap sa pananagutan.

Kaugnay nito, ibinalita ng Bayan na nakikipagtulungan ito sa iba’t ibang mga sektor at grupo para sa serye ng mga aksyong masa sa darating na mga linggo. Nanawagan ito ng mas marami pang mga walkout sa mga unibersidad, mga welga, protesta sa lansangan, mga kalampagan sa komunidad at iba pang tipo ng aksyon para ipanawagan ang pundemental na pagbabagong panlipunan.

“Hindi tayo dapat tumigil hanggang hindi natin nababaklas ang burukratang kapitalismo, dayuhang dominasyon, at pyudal na pang-aapi sa lipunang Pilipino,” idineklara ng grupo.

Sa nagdaang mga linggo, pinangunahan ng mga balangay ng Bayan at mga organisasyon sa ilalim nito ang maraming protesta at demonstrasyon sa Metro Manila at mga prubinsya. Nasa ubod ngayon ng malapad na kilusang kontra korapsyon ang mga pwersang pambansa-demokratikong kinakatawan ng Bayan.

AB: Mas maraming protesta kontra korapsyon, panawagang ilunsad sa buong bansa