Masaker ng trabaho sa mga kumpanya sa teknolohiya sa US, nagaganap

Sunud-sunod na inanunsyo ng higanteng mga kumpanya sa teknolohiya ang malawakang tanggalan ng kanilang mga manggagawa sa gitna ng pagsirit ng implasyon at papalalang krisis sa US. Kahapon, Nobyembre 9, inanunsyo ng Meta Platforms Inc, kumpanyang may-ari ng Facebook at Instagram, ang planong pagtanggal nang mahigit 11,000 o 13% sa kabuuang bilang ng manggagawa nito na nasa 87,315.

Idinadahilan ng kumpanya ang paghina ng paggamit ng Facebook dahil sa kumpetisyon at sa paghupa na rin ng pandemyang Covid-19. Tinatayang bababa nang $3.67 bilyon ang kita ng Meta ngayong taon.

Noong Nobyembre 4, nag-anunsyo naman ang kumpanyang Twitter ng pagsisante sa halos kalahati (3,700) ng mga manggagawa nito. Ito ang pinakaunang kautusan ng bagong may-ari ng Twitter na si Elon Musk.

Liban sa Facebook at Twitter, nagbawas din ng empleyado ang mga kumpanya sa teknolohiya na Lyft (700), Stripe (1,000), Coinbase (1,100), Shopify (1,000), Netflix (mahigit 450), Microsoft (1,800), Snap (mahigit 1,280), Chime (160), Tiktok (100) at Spotify (40). Aabot naman sa 31% ang ibabawas sa Robinhood, 10% sa Tesla, at 20% sa Intel. at marami pang iba.

Marami rin sa mga kumpanyang ito ang nag-anunsyo na hindi kukuha ng bagong manggagawa.

Sa Pilipinas, tinatayang 5,000 empleyado ang tinanggal ng Shopee Philippines.

AB: Masaker ng trabaho sa mga kumpanya sa teknolohiya sa US, nagaganap