Memorandum ng BJMP hinggil sa paghihigpit sa mga bilanggong "kasapi ng PKP" at kanilang mga bisita, ipinababasura
Binatikos ng iba’t ibang mga grupo sa karapatang-tao at demokratikong organisasyon ang inilabas na memorandum ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nong Enero 10 na nag-atas na “mahigpit na bantayan” ang mga bilanggong hinihinalang may kaugnayan sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) o mga alyado nito.
Hindi lamang nito higit na isinasapanganib ang buhay at seguridad ng mga bilanggong pulitikal kundi nagtatakda rin ng batayan para sa paggamit ng walang batayan at pulitikal na mga akusasyon para sa upisyal na mga patakaran, ayon kay Fides Lim, tagapagsalita ng Kapatid, samahan ng mga kamag-anak ng mga bilanggong pulitikal at mga boluntir. “Dapat magtuon ng pansin ang BJMP sa mandato nito na itaguyod ang karapatan at kaligtasan ng lahat ng mga detenido, at hindi magsilbing instrumento ng pampulitikang paniniil.”
Nagpahayag rin ng pagkundena sa patakaran ang National Union of People’s Lawyers (NUPL). Ayon sa grupo, malinaw na halimbawa ito ng patakaran ng “McCartyismo” na katulad ng ideolohikal na ‘witch hunt’ sa nakaraan na tumatarget sa mga indibidwal batay lamang sa hinala at hindi kumpirmadong mga alegasyon.
Lubhang paglabag umano sa karapatang-tao ang sinasabing pinahigpit na pagmamanman sa mga bilanggong pulitikal kabilang ang lahat ng mga sulat, pakikisalamuha sa bisita, at eksternal na komunikasyon ng mga ito. Magiging katuwang pa ng mga patakarang ito ang “behavioral monitoring” at mas mahigpit na pagkilatis sa mga bisita para itakda ang banta ng seguridad.
Ang atas ng BJMP ay alinsunod sa malisyoso at walang batayang impormasyon sa paniktik na ibinahagi ni Ret. Lt. Gen. Antonio Parlade Jr, dating tauhan ng National Task Force-Elcac, na naglilikom ang mga bilanggong pulitikal ng pondo mula sa mga “drug trafficker” sa kulungan sa kumpas diumano ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro.
“Kailan pa naging batayan ng ebidensya ang pekeng balita na ipinakalat ng isang kilalang red-tagger para utusan ng BJMP ang mga warden na kumilos ukol dito?” ani Lim, tagapagsalita ng Kapatid, Nanawagan si Lim sa hepe ng BJMP na si Gen. Ruel Rivera na iatras ang mapanganib na memorandum.
Nagsalita rin laban patakaran si ACT Teachers Party-list Rep. Castro. “Dapat papanagutin ang BJMP sa iresponsableng aksyon na ito na nagsasapanganib sa aking kaligtasan at sa mga bilanggong pulitikal,” pahayag ng mambabatas. Nagbanta rin siya na kung hindi iaatras ang memorandum at hindi hihingi ng paumanhin ang BJMP ay hindi sila mag-aatubiling magsampa ng naaayon na mga kaso at reklamo kabilang ang mga kasong administratibo at pagbabayad ng danyos.
Samantala, idiniin ng Kapatid na ang memorandum ay nagsisilbi ring malinaw na kaso ng “political partisanship” at iligal na pangangampanya laluna at papalapit na ang eleksyong mid-term. Si Rep. Castro ay kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan kasama ang 10 pang mga lider-masa ng pambansa-demokratikong kilusan.
Nagbabala pa ang Kapatid na tila sinusundan ng hakbang na ito ang padron ng naging pagdawit kay dating senador Leila de Lima sa iligal na droga para hindi makatarungang gipitin at matagalang ikulong.