Meralco, ganid sa tubo!

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagprotesta ang mga myembro ng Bayan Muna sa harap ng isang upisina ng Meralco sa Kamuning, Quezon City noong Pebrero 11 para kundenahin ang taas-singil na ipinataw ng kumpanya na ₱0.5738 kada kilowatt hour (kwh) para sa Pebrero. Pangalawang pagtaas na ito ngayong taon. Noong Enero, itinaas na rin ng kumpanya ang singil nang ₱0.0846/kwh. Sa gayon, nasa ₱11.9168/kWh na ang binabayaran ng mga konsyumer nito, dagdag na ₱115 para sa isang bahay na kumukonsumo ng minimum na 200kwh kada buwan.

“Ang pagtaas sa singil ay dagdag na pasanin sa mga konsyumer na nagdurusa na sa pataas na presyo ng mga batayang pangangailangan,” pahayag ng Bayan Muna sa araw na iyon. Tinawag nitong “di katanggap-tanggap” ang mga dagdag-singil ng kumpanya.

“(D)apat pababa ang kuryente ngayon kasi malamig pa ang panahon at mababa ang demand,” ayon sa grupo. “Pinakikita ng hakbang na ito ng Meralco ang pagiging ganid sa tubo ng kumpanya, kung saan inuuna ang kita kaysa kagalingan ng mamamayan.”

Resulta ito ng deregulasyon ng industriya ng kuryente, na nagbigay ng walang sagkang kapangyarihan sa mga pribadong kumpanya katulad ng Meralco na karakarakang ipasa sa mga konsyumer ang kanilang gastos sa produksyon.

Sa aktwal, arbitraryo ang pagtaas ng Meralco ng singil at ipinatitigil ito ng Energy Regulatory Commission (ERC). Sa balita ngayong araw, Pebrero 14, ipinababalik ng ERC ang hanggang kalahati ng dagdag-singil nitong Pebrero dahil wala itong “clearance” mula sa ahensya.

“Habang wala pa ang clearance ng ahensya, adelantado ang pagpasa ng gayong dagdag gastos (ng kumpanya),” ayon sa ERC. Kailangan diumanong magsumite muna ang kumpanya ng mga dokumento para patunayan ang batayan ng dagdag-singil.

Idinadahilan ng Meralco ang dagdag-singil sa pagtaas ng gastos sa paggawa ng kuryente na dulot diumano ng mataas na presyo ng imported na liquified natural gas (LNG) na ginagamit ng mga plantang ito. Gayunpaman, aminado ang Meralco mismo na wala pa itong aktwal na datos kung magkano ang dagdag na gastos sa produksyon dahil ngayong Pebrero pa lamang nito sisimulan ang paggamit ng imported na LNG na mula sa US.

Itinaas ng Meralco ang generation cost nito tungong ₱7.1020/kWh nitong Pebrero mula ₱6.6468/kwh noong Enero. Kasunod ito sa pagpasok ng kumpanya sa isang “kasunduan” sa First Gen para sa suplay ng enerhiya gamit ang imported na LNG. Ang First Gen ay pagmamay-ari ng pamilyang Lopez, na may-ari ng higit kalahati ng sapi ng Meralco. Sa ngayon, pinatatakbo ang Meralco ng Metro Pacific Investment Corporation at ng hepe nitong si Manuel Pangilinan.

AB: Meralco, ganid sa tubo!