Balita

Meyor Isko Moreno, tagapagtanggol ng mayayaman—Bayan Manila

,

Tinawag na sinungaling ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Manila si Isko Moreno, meyor ng Manila City matapos niyang kundenahin ang protesta na inilunsad sa harap ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Pagdadahilan ng alkalde, “pinangangalagaan” diumano niya ang kapayapaan sa lungsod.

Ayon sa grupo, ang tunay na pinangangalagaan ni Moreno ay ang interes ng malalaking korporasyon na kasosyo at financier nito noong nakaraang eleksyon tulad ng San Miguel Corporation at R-II Builders Inc. Habang libu-libong residente ang ginigipit at pinapalayas sa kanilang tirahan sa Parola, GK, Hapilan, Aroma, Katuparan at Smokey Mountain para bigyang-daan ang proyekto ng malalaking korporasyon.

Dagdag dito, pinahintulutan din ni Moreno ibang kumpanya na mangamkam ng lupang paninirahan ng mga residente tulad ng komunidad ng Jose Abad Santos at Mayhaligue.

“Ginagamit niya ang salitang “peace” para hindi sila managot sa harap ng taumbayan. Takot siya dahil nalalantad ngayon na ang buong sistema ng ating gubyerno ay isang malaking negosyo ng burgesya,” paliwanag ng Bayan-Manila.

“Bakit hindi magpuprotesta ang mamamayan kung ninanakaw ng gubyerno ang perang pinaghihirapan nila sa araw-araw na pagkayod? Kung ginigiba ang kanilang bahay? Kung araw-araw silang nilulugmok sa kahirapan dahil sa kasakiman ng iilan?” giit ng grupo,

Anila, magiging totoo lamang ang kapayapaan kung nakakamit ng mamamayan ang kanilang mga karapatan. Hindi krimen ang maging kritikal sa isyung panlipunan, at mas lalong hindi krimen ang kumilos at magprotesta para sa kaginhawaan ng bayan.

“Walang ibang nakikinabang sa pananahimik kundi ang mapang-api at mapagsamantala kaya dapat nating mas lakasan ang pagpapanawagan ng hustisya at pananagutan! Lumahok sa mga pagkilos at igiit ang ating espasyo sa lipunan!” panawagan ng grupo.

AB: Meyor Isko Moreno, tagapagtanggol ng mayayaman—Bayan Manila