Balita

Mga Amerikanong kumpanya sa armas ang pinakanakikinabang sa gera sa Ukraine

Ang bansa sa NATO, pangunahin ang US at mga kumpanya sa armas nito, ang pinakanakikinabang sa gera sa Ukraine. Sa ulat na inilabas ng Stockholm International Peace Research Institute (SIPRI) nitong Marso, lumaki nang 43% ang pangkabuuang bahagi ng US sa pandaidigang bentahan ng armas sa pagitan ng 2020 at 2024, pangunahin dahil armadong sigalot sa Ukraine. Mas malaki ang naibenta ng US kumpara sa pinag-isang benta ng kasunod na walong bansang exporter ng armas. Nagbebenta ang US ng armas sa 107 bansa, kabilang sa Pilipinas.

Sa pangkabuuan, kontrolado ng US at mga alyado nito sa NATO ang 80% ng bentahan ng armas sa mundo. Kasunod sa US ang France (9.6% bahagi sa pandaigdigang eksport) at Russia (7.8%) sa may pinakamaraming nabentang armas noong 2020-2024.

Sa panahong ito, pinakamalaking importer ng armas ang Ukraine. Malaking bahagi nito (71%) ay nasa anyo ng mga segunda manong armas na idinispatsa ng US. Umaabot sa 9% ng lahat ng ineksport na armas sa mundo ang napunta sa Ukraine, at 45% nito ay galing sa US. Kasunod sa pinakamalaking nagbenta sa Ukraine ang Germany at Poland.

Liban sa Ukraine, ang US din ang pinakamalaking suplayer ng armas sa Israel at sa henosidyo nito sa Gaza. Animnapu’t anim na porsyento (66%) ng mga pumasok na armas sa Israel ay galing sa US. Kabilang sa mga ineksport ng US sa Israel ay mga combat aircraft (jet fighter), armored vehicle at mga “guided bombs.” Kasunod sa US ang Germany (33%), na nagbenta ng mga barko at torpedo sa Zionistang Israel.

Samantala, ika-27 ang Pilipinas sa pinakamalaking importer ng armas sa 2020-2024. Tumaas nang 53% ang bahagi nito sa pandaigdigang bilihan ng armas, mula 0.6% noong 20215-2019 tungong 0.9% sa 2020-2024. Pangunahing bumili ang Pilipinas ng mga armas sa South Korea at US, pati na rin sa Israel. Pangatlong pinakamalaking kliyente ng armas ng Israel ang Pilipinas, kasunod ng India at South Korea.

AB: Mga Amerikanong kumpanya sa armas ang pinakanakikinabang sa gera sa Ukraine