Mga biktima ng "gera kontra-droga" ni Duterte, inengganyong lumahok sa ICC
Iniengganyo ng International Criminal Court ang iba pang mga biktima ng huwad na gera kontra droga ni Rodrigo Duterte na magparehistro sa Victims Participation and Reparations Section (VPRS). Ang pagbubukas ng bahagi na ito ng korte sa mga biktima at saksi ay isang natatanging na aspeto ng ICC. Mahalaga ang papel ng VPRS para sa pagpapadali ng paglahok ng mga biktima sa buong proseso, mula sa simula ng imbestigasyon hanggang sa pagkakaloob ng reparasyon pagkatapos ng paghatol.
Bahagi ng mga tungkulin ng VPRS ang sumusunod: 1) pagbigay ng impormasyon sa mga biktima tungkol sa kanilang mga karapatan at pagtulong sa kanila na lumahok sa proseso ng ICC; 2) pagsuporta at paggabay sa mga biktima para makamit ang reparasyon o bayad-pinsala at pagtiyak na may akses sila sa proseso ng reparasyon na maaaring nasa anyo ng pera, restitusyon, ari-arian, rehabilitasyon o simbolikong kilos; at 3) makipag-ugnayan sa Trust Fund for Victims para bigyan ng komprehensibong suporta ang mga biktima sa buong hudisyal na proseso.
Ikinagagalak ng mga biktima ng “gera kontra-droga” ang utos ng Pre-Trial Chamber I ng ICC noong Marso 21 sa VPRS na magmungkahi ng proseso ng aplikasyon at pagpaparehistro ng mga biktima. Ayon kay Atty. Krissy Conti, isa sa mga abugado ng mga biktima at rehistradong ICC assistant to counsel, handa ang mga biktima na makipag-usap sa VPRS tungkol sa mga paraan at mekanismo na angkop sa kanilang kalagayan.
“Taimtim naming inaabangan ang karagdagang mga tagubilin ng korte at mga patnubay ng (VPRS),” aniya.
Inilinaw ni Attorney Conti na hindi lamang 43 kaso ang isasalang sa ICC, katulad ng nakalagay sa dokumentong inilabas ng prosekyutor ng ICC na pinagbatayan ng mandamyento de aresto laban kay Duterte.
“Kailangang nating ulitin na ang bilang ng mga biktima na sakop ng kaso ay mas malaki kaysa sa bilang ng mga biktima na binanggit ng Office of the Prosecutor sa kahilingan nito na maglabas ng warrant ng pag-aresto,” aniya. Ang paglilitis sa ICC ay hindi para sa indibidwal na mga kaso ng pagpatay, kundi para sa mga krimen laban sa sangkatauhan, sa pamamagitan ng pagpatay, paliwanag niya.
Ang panahon ng pre-trial ay panahon rin ng pagtuklas at paglalahad ng ebidensya. Ang mga ebidensyang ito na iipunin ng prosekusyon ay ibibigay din sa depensa o sa mga abugado ni Duterte. Itinakda ng korte sa kampo ni Duterte na ipaabot nito sa mga hurado ang “pangkalahatang direksyon” ng kanyang magiging depensa sa April 11.
“Hanggang hindi kinukumpirma sa Pre-Trial Chamber I ang mga akusasyon, hindi natin maaaring matukoy ang eksaktong saklaw ng kaso at sa gayon, ang pagkakakilanlan ng mga biktima na maaaring makilahok,” aniya. Sa Setyembre pa ang kasunod na pagharap ni Duterte sa korte at dito pa lamang itatakda ng mga hurado kung sapat ang ebidensya ng prosekusyon at kung itutuloy sa paglilitis ang kaso.
Maaring lumahok ang mga biktima bilang mga saksi o sa pamamagitan ng pagpapaabot ng kanilang mga pananaw o pag-aalala (concerns), ayon kay Attorney Conti. Sa kabilang banda, ang hindi nila paglahok sa proseso ay hindi magreresulta sa pagpapawalambisa sa kasong kinakaharap ni Duterte.
Sa gayon, “walang saysay” ang panawagan ng ilan sa mga biktima na “iatras” ang kaso, ayon kay Conti. Kabilang sa maaaring ituring ng ICC na mga biktima ng krimen ni Duterte, kung tutuloy sa paglilitis ang kaso, ay ang mga pamilya ng mga biktima ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang, mga nakaligtas at apektadong mga komunidad. Samantala, maaaring maging saksi sa pagdinig ang mga pamilya ng mga biktima ng EJK, mga dating upisyal ng gubyerno na may direktang alam sa patakaran at operasyon ng gubyerno ni Duterte, mga aktibista at sektor na nagdokumento ng mga krimen at nagsumite ng ebidensya sa korte at mga “protektadong saksi.”
Mahigpit na pinuprutektahan ng ICC ang pagkakakilanlan ng mga biktima sa buong hudisyal na proseso, at may mga hakbang para ipagtanggol ang kanilang kaligtasan, pisikal at sikolohikal na kalagayan, dignidad at pribasiya, ayon kay Atty. Conti.