Mga biktima ng pang-aabuso sa Netherlands, kailangan ng sustenableng tulong—Migrante Netherlands
Bunga ng sama-samang pagkilos, natulak ang embahada ng Pilipinas sa Netherlands na magbigay ng pinansyal na tulong sa 11 migranteng manggagawa na biktima ng pang-aabuso ng Saints and Stars Gym. Ngayong Setyembre, natanggap nila sa pangalawang pagkakataon ang tulong mula sa mga upisyal ng embahada.
Ayon sa Migrante Netherlands, kinikilala nila ang tulong na binibigay ng mga upisyal na Pilipino pero idiniin na hindi ito sustenable. “Dinidiin namin, ang tulong na ito ay hindi kawanggawa, obligasyon ng gubyerno ng Pilipinas na protektahan at suportahan ang mga overseas Filipino workers (OFW), na nag-aambag ng 9% sa GDP ng bansa.”
“Nililinaw namin, na ang kailangan ng mga manggagawa ay sustenableng tulong habang dinidinig ang kanilang reklamo laban sa Sun & Stars Gym. Hindi nila kaya maghanap ng trabaho ng ligal sa bansa dahil sa kaso. Kailangan nila ng regular na pinansyal at suporta hindi lang para sa kanilang pangangailangan kundi para sa kanilang pamilya sa Pilipinas na umaasa sa kanila,” paliwanag ni Mark Pascual, campaign officer ng Migrante Netherlands.
Kinundena din ng grupo ang pagsisinungaling at pambabaluktot ng impormasyon ng embahada ng Pilipinas sa kanilang interbyu sa GMA News. Sa kanilang panayam, sinaad nila na Hulyo pa lang ay may kontak na raw sila sa mga biktima, ang totoo ay nakausap nila ang mga biktima noong Agosto 8 sa isang dayalogo na inorganisa ng Migrante Netherlands. Dagdag dito, sinabi nilang nagbigay sila ng pansamantalang tirahan para sa mga biktima na hindi rin totoo.
“Nais naming linawin na ang temporary shelter na aming tinutuluyan ngayon ay inayos ng aming abogado, hindi ng Philippine Embass. Nais naming ipaalala sa Philippine Embassy na maging accurate sa kanilang mga pahayag ukol sa binibigay nilang suporta sa amin. Hindi makakabuti sa amin ang anumang maling pahayag at anumang pagpapanggap,” pahayag ni Lynette, kinatawan ng mga manggagawang Pilipino.
“Nananawagan kami sa lahat ng Pilipinong migrante na nakakaranas ng pang-aabuso at pagsasamantala na magsalita, makipag-kaisa at labanan ang mapang-abusong mga korporasyon na kumikita sa kanilang murang lakas paggawa at sa kapabayan ng guyerno ng Pilipinas,” panawagan ng Migrante Netherlands.