Mga dineport ng US na Pilpinong marino, nagprotesta sa DFA
Nagpiket sa labas ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong Nobyembre 5 ang mga marino na biktima ng di makatarungang deportasyon ng US, kasama ang mga marino na sasampa pa lamang sa barko ngunit biglang binawian ng US Visa. Kasabay ng piket ang dayalogo ng International Seafarers Action Center (ISAC) at mga upisyal ng Office of Migration Affairs.
Sa dayalogo, ipinahayag ng mga marino ang kanilang karanasan, kung paano sila binantaan, ginipit at pinilit na pumirma ng mga dokumento na hindi nila alam ay ‘voluntary withdrawal’ pala ng kanilang visa. Nananawagan ang ISAC at ang mga marino sa gubyerno ng Pilipinas na maghain ito ng diplomatic protest laban sa anti-migranteng pagtugis ng rehimeng Trump. Panawagan din nila ang kagyat at sapat na pinansyal na ayuda at pagpapabilis ng paglalabas ng kanilang bagong pasaporte.
“Nananawagan kami ng hustisya sa nangyari sa amin. Hindi kami kriminal. Wala ni isa sa amin ay kinasuhan sa US,” pahayag ng mga marino sa kanilang sulat sa DFA.
Pagkatapos ng aktibidad sa DFA, tumungo ang mga marino sa upisina na Open Sea Manning Agency upang magbigay ng sulat na nagmumungkahi ng dayalogo para sa mga biktima ng deportasyon at binawian ng US visa. Tumanggi ang ahensya na tanggapin ang sulat at sa halip ay pinagsarhan sila ng pinto. Dahil dito, ay naglunsad ng programa sa harap ng upisina ang mga marino upang kundenahin ang kapabayaan at pagtanggal sa kanila sa trababaho ng Open Sea at ibang pang manning agency.
Ayon sa mga marino, bababalik sila sa upisina ng Open Sea upang igiit ang kanilang karapatan at kamtin ang hustisya.
Sa US, sa parehong araw, naglunsad ng protesta at nagpadala ng sulat ang Tanggol Migrante Movement (TMM) at Migrante USA sa embahada ng Pilipinas sa Washington DC upang ipanawagan na aksyunan ang hinaing ng mga marino at tiyaking maprotektahan ang kanilang karapatan at kabuhayan.
Noong November 8, araw na ipinadala ng mga pambansang demokratikong organisasyon bilang ‘National Day of Action to Defend Filipino Seafarers, naglunsad ng protesta ang TMM, Baltimore Committee for Human Rights in the Philppines sa Community Town Hall sa Baltimore, Maryland. Kinundena nila ang iligal na deportasyon ng mga Pilipinong marino sa daungan ng Baltimore.
“Patuloy kaming titindig kasama lahat ng migranteng manggagawa, kapwa mga land based at sea based, na ginagawang sangkalan at target ng marahas na anti-migranteng pulisiya ng rehimeng Trump. Patuloy kaming lalaban para sa hinaharap ng ating bansang pinagmulan, na magkaroon ng sapat sa trabaho at nakabubuhay na sahod, para ang ating mamamayan ay hindi na kailangang matyaga sa hindi ligtas na kundisyon,” pahayag ng TMM.