Mga drayber at opereytor, handang kumilos laban sa korapsyon
Sa gitna ng pagbaha ng mga protesta sa bansa, nanawagan ang grupong Piston ng welga sa transportasyon laban sa korapsyon sa Setyembre 18. Ang welga ay bahagi ng mas malawak na pagkilos na nakatakda sa Luneta sa Setyembre 21, anibersaryo ng pagpataw ni Ferdinand Marcos Sr, ama ng kasalukuyang presidente, ng batas militar noong 1972.
“Jeep, modern, bus, taxi, rider, trucker. Anumang moda ng transportasyon, lahat tayo ay pagkalalaki ng binabayarang buwis sa langis,” panawagan ng Piston. Habang nagkakandakuba ang mga drayber sa paghahanapbuhay, napupunta lamang sa mga anomalyang mga proyekto ang kinukulektang buwis ng gubyerno.
Sa taya ng Piston, halos P13,000 kada buwan ang binabayad ng mga tsuper na buwis sa langis, habang P4,000 naman ang sa mga riders. Pinakamataas ang kinukulektang VAT at excise tax sa mga “modern jeep” at bus na umaabot sa P23,400 kada buwan.
“Lubog ka na nga sa utang dahil sa modernization, ninanakaw pa ang binabayad mong tax! Hindi na sapat ang puro hearing at imbestigasyon. Dapat may managot! Dapat may makulong,” ayon sa Piston.
Sa Cebu, nag-karaban noong Setyembre 12 ang mga rider ng Maxim, isang delivery service, laban sa paghuhuli, pagkumpiska ng lisensya at pag-impound ng kanilang mga motorsiklo.

“Araw-araw nagbabayad ng buwis ang mga rider dahil sa gastos sa gasolina ng kanilang motor; pinapatawan pa sila ng multa na P6,000,” ayon sa Piston-Cebu. Ikinagalit nila na napupunta lamang sa mga kurakot na upisyal ang binabayaran nilang buwis sa gitna ng patong-patong na pahirap sa kanila ng mga ahensya sa transportasyon.
Panawagan nila sa mga rider sa buong bansa, magkaisa at labanan ang katiwalian sa pamahalaan.