Mga drayber ng Lalamove, nagpiket sa Parañaque City

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagsagawa ng “Black Valentine”s Day Protest’ ang mga drayber ng Lalamove, isang kumpanya na gumagawa ng mga deliberi, noong Pebrero 14 sa harap ng upisina ng kumpanya sa PITX, Tambo, Parañaque City. Ipinahayag nila ang kanilang hinaing kaugnay ng mapagsamantalang delivery rate (bahagdan na nakukuha nila kada deliberi), mga patakaran nito at iba pang hindi patas na mga kasunduan sa pagitan nila at ng kumpanya.

Sa ulat ng Manila Today, sinabi nitong umaabot lamang sa ₱49 ang minimum na natatanggap kada deliberi ng mga drayber, labis na malayo sa ₱80 kada deliberi na kinikita nila noong 2016. Mayroon pang kinakaltas na 20% commission ang Lalamove kada deliberi habang ang maintenance ng mga yunit ay pasan-pasan ng mga indibidwal na drayber.

Ang Lalamove Philippines ay mayroong mga operasyon sa Metro Manila, Southern Luzon, Cebu at Pampanga. Pag-aari ito ng kumpanyang itinatag ni Shing Chow Shing-yuk sa Hong Kong noong Disyembre 2013. Ayon sa impormasyon ng kumpanya, mayroong itong hindi bababa sa 700,000 drayber at 1,400 empleyado sa buong mundo. Mayroon itong mga operasyon sa Asia at Latin America.

Malaon nang iginigiit ng mga grupo sa paggawa sa bansa, at maging sa mundo, na kilalanin ang mga drayber o tinatawag din na “gig o platform workers” bilang empleyado ng mga katulad na kumpanya, at gayon ay dapat gawing regular na manggagawa.

AB: Mga drayber ng Lalamove, nagpiket sa Parañaque City