Mga Dumagat-Remontado sa Rizal, nagtanggol sa tangkang pagpapalayas ng AFP sa lupang ninuno
Sa kalagitnaan ng gabi, matapang na kinompronta at nagtangol ang mga residente at katutubong Dumagat-Remontado ng Barangay San Andres, Tanay, Rizal laban sa tusong paglusob at pagpapalayas ng mga elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang komunidad noong Nobyembre 26. Plano ng AFP na gamitin ang lupang ninuno ng mga Dumagat-Remontado bilang military reservation.
Ayon sa ulat, gabi na nang nagtungo ang mga sundalo para maglagay ng paskil sa lupang kinakamkam. Kasunod nito, nagbahay-bahay ang mga sundalo para “magpaabot” sa mga residente kaugnay ng kanilang plano para sa lupa.
“Ang ganitong aksyon ay nagdulot ng takot, pangamba, at galit sa mga residente, na mariing tumutol at binantayan ang militar hanggang hatinggabi upang pigilan ang kanilang ginagawa,” pahayag ng Karapatan-Rizal.
Giit ng grupo, malinaw na paglabag sa karapatang-tao at karapatan ng mga katutubong Dumagat-Remontado ang ginawa ng militar. “Karapatan ng mga katutubo na manatili sa kanilang lupang ninuno, magdesisyon kung paano ito gagamitin, at protektahan ang kanilang komunidad laban sa anumang uri ng sapilitang pagpapalayas,” dagdag nito.
Kinunan ng bidyo at litrato ng mga residente ang mga sundalong humarap sa kanila at ipinakalat ito sa social media para isiwalat ang ginawang panghihimasok at panggigipit sa kanilang komunidad. Nanawagan sila sa publiko na suportahan ang kanilang laban para sa kanilang lupain at komunidad.