Balita

Mga estudyante ng UST, nagtirik ng kandila para sa hustisya sa pagkamatay ng kapwa mag-aaral

Nagsama-sama para sa isang programa at nagtirik ng mga kandila ang mga estudyante ng University of Sto. Tomas (UST) sa kampus nito sa Maynila noong Mayo 29 bilang panawagan ng hustisya sa pagkamatay ni Junver Toledo, 22, kapwa nila mag-aaral. Naiulat ang pagpapakamatay ni Toledo, isang estudyante sa UST College of Rehabilitation Sciences noong Mayo 17 dahil sa presyur sa pag-aaral.

Ayon sa ulat ng kanyang pamilya, ibinahagi ni Toledo sa isang sulat na kanyang iniwan na hindi na nakayanan ng estudyante ang presyur matapos bumagsak sa ikalawang pagkakataon sa isang asignatura. Nakatakda sanang magtapos sa Hunyo si Toledo.

Ibinahagi rin ng kapatid ng biktima na walang ibang bagsak na grado si Toledo sa buong panahong nag-aaral sa unibersidad. Nagtapos si Junver ng hayskul sa Philippine Science High School-Cagayan Valley Campus.

Pinangunahan ng Rise for Education-España ang programa. Nag-alay sila ng mga panalangin at nanawagan ng hustisya para kay Toledo. Sinundan nila ito ng isang talakayan at pag-aaral hinggil sa kalusugan sa pag-iisip.

Sa isang pahayag ng Kabataan Party-list-UST, sinabi nitong ang trahedya ng pagkamatay ni Toledo ay isang salamin ng tahimik na krisis na nakakaapekto sa libu-libong estudyante. Nanawagan ang grupo sa administrasyon ng UST na dapat alpasan ang retorika ng pakikisimpatya sa mga estudyante at sa halip ay mapagpasya at makabuluhang tugunan ang mga isyu para protektahan ang mga estudyante.

Mayroong tatlong pangunahing panawagan ang mga kabataang Tomasino kasundo ng insidente. Una, dapat magkaroon ng independyente at bukas na imbestigasyon hinggil sa pagkamatay ng biktima. Ikalawa, isulong ang reporma sa kurikulum sa loob ng College of Rehabilitation Sciences, at ikatlo, pagpapalakas sa mga serbisyo para sa kalusugan ng isip sa loob ng unibersidad.

Pinuna rin ng grupo ang pag-iral ng isang Outcomes-Based Education sa bansa. Anito, ang OBE ay isang balangkas na ginagamit sa lahat ng mga kolehiyo at unibersidad na itinutulak ng Commission on Higher Education. Hinuhulma umano ng ganitong edukasyon ang mga estudyante na parang mga robot na tumutugon lamang sa pangangailangan ng industriya at pandaigdigang pamantayan.

“Ang panawagang hustisya para kay Junver ay para sa lahat ng mga estudyante,” pagdidiin ng KPL-UST.

AB: Mga estudyante ng UST, nagtirik ng kandila para sa hustisya sa pagkamatay ng kapwa mag-aaral