Mga "ghost project" ng DMW at DFA, kinundena ng mga Pilipinong migrante sa US
Kinundena ng Tanggol Migrante Network (TMM) sa kanilang online press conference noong Nobyembre 19 ang hayagang pagpapabaya at pagsasawalang bahala ng emabahada at konsulado ng Pilipinas sa kalagayan ng mga Pilipinong nakadetine sa mga pasilidad ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE).
Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan-USA), “nag-ghost” o nawawala ang embahada at konsulado ng Pilipinas tuwing may humihingi sa kanila ng tulong, laluna ang mga Pilipinong nakadetine sa mga pasilidad ng ICE. Ang malala, namimili ang embahada kung sino lamang ang “karapat-dapat” na tulungan, sa halip na tulungan lahat ng nangangailangan ng tulong.
Mistulan ring mga “ghost project” ang Assistance to the Nationals (ATN) ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON) Fund ng Department of Migrant Workers (DMW). May nakalaang pondo na ₱1.2 bilyon para sa AKSYON at ₱9.8 bilyon para sa ATN para sa taong 2025. Sa kabila nito ay maliit o halos wala itong binibigay tulong sa mga Pilipino nangangailangan.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya at galit ang mga kaanak ng mga Pilipinong nakadetine sa mga pasilidad ng ICE dahil sa mga ‘red tape’ at napakabagal na proseso at burukrasya nang humingi sila ng tulong sa embahada at konsulado ng Pilipinas.
Kabilang sa mga humingi ng tulong sina Sonny Lasquite at Yaa’kub Ira Vijandre na dumulog sa embahada para makabenepisyo sa ATN. Nakakulong ang dalawa sa mga pasilidad ng ICE. Isa pa si Ligaya Jensen na pinangakuang bibigyan ng government ID noon pang Hunyo. Dahil sa kawalan niya ng ID ay hindi siya makahanap ng trabaho o makahingi ng ayuda mula sa gubyerno.
Pangakong napako rin ang inabot ni Zenar Dela Cruz. Hindi siya binigyan ng tulong pinansyal nang magkasakit at magpa-opera. Ilang beses na nagmakaawa ang asawa ni Dela Cruz na tulungan sila, ngunit walang naging tugon ang embahada.
“Dapat makita ng mamamayan na ang mismong rehimeng US-Marcos ay isang ‘ghost project’, isang buong sistema na nagpapanggap na nagbibigay ng serbisyo. At ang tunay nitong pinagsisilbihan ay ang mga burgesyang kumprador at imperyalismong US,” paliwanag ng Bayan-USA.
“Walang ibang hakbang para sa mamamayan kundi patalsikin ang mga kurakot, itakwil ang kasalukuyang sistema at itayo ang gubyerno ng mamamayan na magsisilbi para sa kanila, at maging sa mga Pilipinong nasa ibayong dagat,” dagdag ng grupo.
Nanawagan ang TMM na patuloy sa suportahan ang laban ng mga Pilipinong nakakulong at igiit sa gubyerno ng Pilipinas na gampanan ang obligasyon nito sa mamamayan. Nag-imbita din sila para sa pambansang pagkilos laban sa korapsyon sa Nobyembre 30, sa Disyembre 10 para sa pandaigdigang araw para sa karapatang tao at sa Disyembre 18 para sa pandaigdigang araw ng mga migrante.