Mga gradweyt ng abogasya, hinamon na tumindig laban sa korapsyon
Nakibahagi ang National Union of People’s Lawyers (NUPL) sa mga aktibidad ng pagsalubong sa mga kumuha ng Bar Exam sa huling araw ng pagsusulit noong Setyembre 14. Nanawagan ang NUPL sa mga naghahangad na maging abugado na tumindig laban sa korapsyon at paglingkuran ang mahihirap na Pilipino.
Isinagawa ng mga balangay ng NUPL ang mga aktibidad sa National Capital Region, Eastern Visayas, Panay at Cebu. Sa Mindanao, pinangunahan ang aktibidad ng Union of Peoples’ Lawyers in Mindanao (UPLM). Katuwang ng mga makabayang abugado sa mga pagkilos ang mga balangay ng NUPL para sa mga estudyanteng kumukuha ng abogasya.
Ayon sa NUPL, ang pagtatapos ng pagsusulit ay marka rin ng pagtatapos ng isang mahirap na paglalakbay. “Para sa bansa naman, ang mas mahalagang pagsubok ay nananatili: kung magkakaroon ng sapat na mga abugado na handang tumindig laban sa katiwalian at manawagan ng pananagutan mula sa mga nasa kapangyarihan,” pahayag ng NUPL.
Nanawagan ng pagtindig laban sa korapsyon ang grupo sa harap ng nalantad na mga anomalya at sabwatan sa pagitan ng mga upisyal ng gubyerno at kontratista sa mga proyektong flood control at iba pa. Liban dito, binatikos rin ng NUPL ang laganap na pag-iral ng confidential at unprogrammed fund sa gubyerno na hindi tinutuos at walang pananagutan sa mamamayan, laluna ng Office of the President.
Pinuna rin ng NUPL ang tila pagprotekta ng gubyerno sa mga tiwaling upisyal na ipinamalas sa pagkakabasura sa paglilitis sa kasong impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte. Sangkot si Duterte sa paglulustay sa ₱125 confidential and intelligence funds (CIF) sa loob ng 11 araw at iba pang mga katiwalian.
Anang grupo, walang pinag-iba si Duterte sa kanyang ama na si Rodrigo Duterte na nasangkot rin sa patung-patong na mga isyu ng korapsyon at iba pang krimen. Binatikos ng NUPL ang pagpapanggap ngayon ng nakatatandang Duterte na mayroong sakit at walang kakayanang humarap sa paglilitis sa International Criminal Court kung saan siya nakakulong sa kasalukuyan.
“Ito ang hayagang mukha ng burukrata-kapitalismo: ang paggamit ng yaman ng estado hindi para paglingkuran ang publiko, kundi para panatilihin ang pribilehiyo at protektahan ang mga makapangyarihan,” ayon sa NUPL.
Anang grupo, sa harap ng mga ito at iba pang isyung panlipunan, higit na kinakailangan ang mga abugadong hindi masasapatan sa pagkabisado sa mga statute at batas habang nagpipikit-mata sa mga umaabuso sa kapangyarihan. “Ang kailangan na mamamayan ay hindi lamang mga abugadong hahamon sa mga iligal na gawain, kundi sa mismong mga strukturang nagpapairal sa korapsyon at nagtatanggol sa mga dinasitya,” ayon sa NUPL.
Hinimok nila ang mga nag-bar exam na tumindig kasama ang at para sa mga manggagawa, magsasaka, kababaihan at katutubong mamamayan. Sa kabuuan, hindi bababa sa 11,000 ang mga indibdiwal na kumuha ng bar exam.