Mga grupo ng kabataan, nagprotesta sa hedkwarters ng PNP kontra pasismo
Nagpiket ang mga kabataan at estudyante sa harap ng Camp Crame, hedkwarters ng Philippine National Police (PNP), sa Quezon City noong Oktubre 27 bilang pagbatikos sa panggigipit nito sa mga lider-kabataan. Kinundena nila sa partikular ang pagpapa-subpoena ng PNP sa apat na lider-estudyante para ipailalim sa “imbestigasyon” kaugnay ng sinasabing pamumuno at pagkakasankgot nila sa mga protestang kontra korapsyon laluna noong Setyembre 21.
Isang programa ang inilunsad nila sa harap ng hedkwarters. Sa pagtatapos ng programa, simbolikong pinagpupunit at sinunog ng mga kabataan at estudyante ang subpoena na ipinadala ng PNP sa kanilang mga lider.
Tinarget ng panggigipit ng PNP at rehimeng Marcos sina University of the Philippines (UP)-Diliman University Student Council Chairperson Joaquin Buenaflor, Polytechnic University of the Philippines (PUP) Central Student Council President Tiffany Brillante, Alyansa ng Kabataang Mamamahayag PUP Chairperson Jacob Baluyot at organisador ng Kalayaan Kontra Korapsyon at estudyante ng De La Salle College of St. Benilde na si Aldrin Kitsune.
Ayon sa kabataan, maling-mali na ang pinarurusahan ng PNP at rehimeng Marcos ay ang mga lumalaban sa malawakang korapsyon sa gubyerno. “Mas inuuna pa ng korap na gobyerno ni Marcos Jr na panagutin ang mga lumalaban sa kurakot kaysa ikulong ang mga korap,” pahayag ng Anakbayan.
Anang grupo, patunay lamang ang panggigipit na hindi maaasahan ng kabataan na mapapawi ang korapsyon sa gubyerno na mismong nagpapahintulot nito. “Hindi magkakaroon ng pananagutan lalo hangga’t ang may hawak sa gubyerno ay ang iilan at hindi ang mamamayan,” dagdag nito.
Sa harap ng panunupil, matapang na ipinahayag ng Anakbayan na nagkakamali ang rehimeng Marcos sa pag-aakalang matatakot ang mga kabataan. “Lalo lang niyang pinapagtibay ang paninindigan ng kabataan na bulok ang sistema,” dagdag pa ng grupo.
Ang apat na lider-estudyante ay tumangging humarap at pumailalim sa “imbestigasyon” ng PNP Criminal Investigation and Detection Group. Nagsumite sila ng tugon sa subpoena ng mga pulis sa tulong ng mga progresibong abugado mula sa National Union of People’s Lawyers at iba pang grupo.
Muling nanawagan ang Anakbayan sa mga kapwa kabataan na isanib ang lakas sa mamamayan at patuloy pang lumahok sa mga protestang bayan para panagutin ang mga kurakot. Giit nila, dapat itulak ang pagpapaalis sa pwesto kina Marcos at Duterte, at lahat ng tiwaling upsiyal ng gubyerno.
Ang Anakbayan at mga pinamumunuang konseho at grupo ng apat na lider-estudyanteng ginigipit ng rehimeng Marcos ay bahagi ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK). Ang malapad na network ang nanguna sa dambuhalang pagkilos sa Luneta Park noong Setyembre 21 na tinawag na Baha sa Luneta. Nakatakdang muling maglunsad ng malaking pagkilos ang KBKK sa Nobyembre 30.