Mga grupo ng mangingisda, nagsagawa ng protesta sa baybay kontra korapsyon at pandarambong
Muling nagprotesta sa baybay ng Manila Bay ang mga mangingisda sa pangunguna ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) at Anakdagat-Kabataang Mandaragat noong Nobyembre 17. Pakikiisa nila ito sa umiigting na panawagan ng bayan laban sa korapsyon ng rehimeng Marcos at pandarambong sa kalikasan.
Ayon sa Pamalakaya, dapat panagutin ang mga korap at mandarambong sa gubyerno kabilang si Ferdinand Marcos Jr mismo. Lalo nitong pinalakas ang panawagan sa harap ng pagsisiwalat ni dating Rep. Zaldy Co sa papel ni Marcos sa malawakang katiwalian sa gubyerno.
“Walang eksempsyon. Dapat isailalim mismo si Pangulong Marcos sa masusing imbestigasyon,” pahayag ni Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya. Malinaw ang pagkakadawit ni Marcos dahil siya mismo ang nagbalangkas sa pambansang badyet at nagsingit dito ng maanomalyang mga proyekto, aniya.
Kasabay nito, binatikos ng grupo ng mangingisda ang “pagsasamantala” ng kampong Duterte sa isyu at sitwasyon para isulong ang pansariling pampulitikang adyenda. Ayon sa Pamalakaya, si Vice President Sara Duterte mismo ay may pananagutan sa malawakang katiwalian at paglulustay niya ng milyun-milyong confidential fund.
“Dapat sabayang imbestigahan at panagutin si Marcos at Duterte sa sistematikong pandarambong ng kaban ng bayan,” ayon kay Hicap.
Liban sa mga ulat ng korapsyon sa pondo ng gubyerno, itinutulak rin ng Pamalakaya ang imbestigasyon sa malalaking mga proyekto na nakasisira sa kapaligiran at likas na yaman. Kabilang dito ang mga proyektong reklamasyon, pagkukwari sa dagat, at pagmimina.
Binatikos ng grupo ang mga ahensya ng gubyerno dahil sa sinasabi nitong “napakadali” na mga proseso para sa mga kumpanya at operasyong mapangwasak sa kalikasan na makakuha ng permit. “Maanomalya ang hindi nababantayan na pagpapahintulot sa uhaw-sa-kita at mapangwasak na mga proyektong ito,” ayon kay Hicap.
Dagdag ni Hicap, dapat imbestigahan ang mga baluktot na upisyal ng gubyerno laluna ang mga nasa ahensyang may kaugnayan sa kalikasan. Sa Manila Bay lamang mismo, hindi bababa sa 13 proyektong reklamasyon at 10 pagkukwari ang binigyan ng environmental compliance certificate ng Department of Environment and Natural Resources.