News

Mga guro mula sa iba't ibang rehiyon ng bansa, nagmartsa sa Baguio City

,

Matapos ang tatlong araw na National Leaders Training Seminar na inilunsad ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Philippines sa Baguio City, nagmartsa ang mga kalahok na guro sa syudad para sa sweldo, badyet sa edukasyon at pananagutan sa kahirapan, korapsyon at impunity ng gubyerno. Nagmula ang mga kalahok sa seminar at martsa sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

“Ipinamalas ng nagkakaisang martsa ang kolektibong galit ng mga guro laban sa gubyerno na inabandona ang tungkulin nito sa mamamayan,” ayon kay Vladimer Quetua, tagapangulo ng ACT-Philippines. Ayon sa mga lokal na ulat, nasa 70 ang lumahok sa martsa habang nasa 500 ang delegado sa seminar.

Ayon kay Quetua, ang mga guro mula Luzon hanggang Mindanao ay nagbabangon para panagutin ang gubyerno sa sistematikong pandarambong ng rehimeng Marcos at mga upisyal nito sa pampublikong pondo. Higit umanong namumuhi ang bayan sa pandarambong dahil ginagawa ito sa harap ng labis na kakulangan sa mga paaralan, kahirapan at kagutuman ng pamilyang Pilipino, at paglabag sa karapatang-tao at sa pag-uunyon.

“Kasama kaming mga guro na biktima ng hindi nakabubuhay na sweldo, barat na umento, mataas na presyo ng bilihin at iba pang gastusin, mababang pondo sa edukasyon, at panunupil ng estado. Kaya’t kasama rin kami ng mamamayan sa pagkilos upang singilin at panagutin ang gobyernong nagpapakasasa sa kaban ng bayan at nagpapahirap sa taumbayan,” ayon pa kay Quetua.

Nakiisa at lumahok sa martsa ang mga kandidato sa pagkasenador ng Makabayan na sina ACT Teachers Party-list Rep. France Castro at lider-Moro na si Amira Lidasan, at si Antonio Tinio na unang nominado ng ACT Teachers.

Ibinahagi ng ACT-Philippines na ang martsa ay bahagi ng mga serye ng aksyong masa na inaasahang lulundo sa isang malawakang protesta sa Enero 31 sa pangunguna ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA). Panawagan ng TAMA NA ang paglaban sa kahirapan, korapsyon at kawalang pananagutan ng mga Marcos at Duterte.

AB: Mga guro mula sa iba't ibang rehiyon ng bansa, nagmartsa sa Baguio City