Balita

Mga guro sa Maynila, nagsampa ng kaso laban sa upisyal ng DepEd dahil sa panggigipit

, ,

Nagpiket sa harap ng Office of the Ombudsman sa Quezon City noong Disyembre 10 ang mga gurong kasapi ng Manila Public School Teachers Association (MPSTA) kasabay ng paghahain ng kasong administratibo laban kay Department of Education (DepEd) Manila Schools Division Superintendent Rita E. Riddle. Isinampa laban kay Riddle ang kasong grave misconduct at labis na pag-abuso sa awtoridad kasunod ng panggigipit at panghaharas niya sa mga guro.

Ayon kay Hogier Villarias, presidente ng MPSTA, haharap sila sa Ombudsman para papanagutin si Riddle. Nakabatay ang kaso sa panggigipit ni Riddle sa may 200 guro na sumama sa isang pagkilos noong Mayo 15. Nagprotesta ang mga guro dahil isinantabi ng naunang Division Memorandum 219 s. 2024 ni Riddle ang 30-araw na day off ng mga guro para sa buwan ng Hunyo.

Nagsampa si Riddle ng mga kaso laban sa 22 guro sa Professional Regulation Commission at Office of the Ombudsman. Ginamit niyang dahilan ang umano’y “paglabag sa etikal at propesyunal na pamantayan para sa mga propesyunal na guro.” Naniniwala ang MPSTA na ang pagkakaso ay isang malinaw na kaso ng pagsupil sa lehitimong karapatan ng mga guro na mag-organisa at magpahayag ng kanilang hinaing.

“Kapag nagsalita ang mga guro para sa kanilang karapatan, bakit kailangang gantihan ng panghaharas at intimidasyon? Hindi krimen ang pagtatanggol sa karapatan ng mga guro at ng edukasyon,” ayon kay Villarias. Dagdag ng lider-guro, dapat nang mahinto ang pagturing na krimen sa pagtindig laban sa pag-abuso sa kapangyarihan.

Ayon sa MPSTA, sinasalamin ng hakbang ni Riddle ang mas malawak pang padron ng pag-atake ng estado laban sa mga progresibong organisasyon at indibidwal na tumitindig para sa kanilang karapatan. “Sa panahon ng matinding krisis sa ekonomya at edukasyon, lalong kailangan ng mga guro na magsalita at ipaglaban ang kanilang karapatan. Hindi kami magpapatahimik sa mga taktikang ito ng intimidasyon,” pahayag ni Villarias.

Bago ang protesta sa harap ng upisina ng Ombudsman, nagpiket ang mga myembro ng MPSTA sa tapat ng upisina ng DepEd Manila sa Arroceros St, sa lunsod para papanagutin ang dibisyon at mga upisyal nito. Nakiisa sa pagkilos at laban ng MPSTA ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) NCR Union at ACT Philippines.

Nanawagan ang ACT Philippines ng suporta sa mga nasa sektor ng edukasyon, mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao at iba pang demokratikong organisasyon na suportahan ang laban ng MPSTA. “Ang karapatan mag-organisa at magprotesta ay hindi isang krimen,” ayon pa sa grupo.

AB: Mga guro sa Maynila, nagsampa ng kaso laban sa upisyal ng DepEd dahil sa panggigipit