Mga internasyunal na grupo at partido, nagbigay parangal kay Ka Maria Malaya
Kinilala at pinarangalan ng internasyunal na mga grupo at partido si Ka Maria Malaya (Myrna Sularte), isa sa mga namumunong kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at minamahal na mandirigma ng aping masa ng mga manggagawa, magsasaka, at mamamayang Lumad sa Mindanao. Nabuwal si Ka Maria sa kahuli-hulihan niyang pakikipaglaban noong Pebrero 12 sa Barangay Pianing, Butuan City sa isang matinding sagupaan sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan at ng malupit na mga pasistang pwersa ng 901st IBde.
Nagpaabot ng pakikiramay at pagpupugay ang Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS), People’s Democratic Students Unity (PDSU)-Bangladesh, Marxist-Leninist Party of Germany (MLPD) at organisasyon ng kabataan nito na REBELL, Communist Party of Turkey-Marxist Leninist (TKP-ML) at iba pang mga partido sa pagkamartir ni Ka Maria.
Ayon pa sa FFPS, tiyak sila na ang mga pamanang iniwan ni Ka Maria ay patuloy na mabubuhay sa libu-libong mga bagong rebolusyonaryong kadre at Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na kanyang sinanay. “Handa silang ipagpatuloy ang kanyang gawain at pamumuno sa pakikibaka,” anang grupo.
Kagawad si Ka Maria ng Komite Sentral at Kawanihan sa Pulitika ng PKP. Naging pinuno siya ng Komisyon ng Mindanao at tumayong kalihim ng Panrehiyong Komite ng Partido sa Northeast Mindanao sa nakaraang mahigit dalawang dekada. Nagsilbi rin siyang tagapagsalita ng National Democratic Front sa Northeast Mindanao.
Sa nakalipas na limang dekada, gumampan siya ng iba’t ibang tungkulin, kabilang ang pamumuno sa rebolusyonaryong gawain sa mga lungsod at kanayunan, kapwa sa kanluran at hilagang-silangang Mindanao.
Para sa grupo ng mga estudyante na PDSU-Bangladesh, ang pagbubuwis ng buhay ni Ka Maria ay lubhang makabuluhan at mas mabigat pa sa mga kabundukan. Pinagtibay ng grupo ang kanilang mahigpit na suporta sa pakikibakang iniwan ni Ka Maria sa Pilipinas sa pamumuno ng PKP.
“Hindi nawala si Ka Maria Malaya, ang kanyang pangalan, ang kanyang pakikibaka, at kanyang mga kontribusyon sa digmang bayan ay magpapatuloy sa bawat kasamang nagsusulong ng laban para sa pambansa at panlipunang paglaya,” pahayag ng TKP-ML.
Mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay namanata ang mga partido at organisasyon na ipagpapatuloy ang mga pakikibaka sa kani-kanilang bansa bilang komplementaryo sa digmang bayan sa Pilipinas laban sa imperyalismo.
“Ang kanyang hindi nagmaliw na serbisyo sa api at pinagsasamantalahan ay patuloy na magbibigay inspirasyon sa mga anti-imperyalista sa buong mundo,” pahayag ng FFPS.