Mga kababaihan, kinundena ang malawakang pagkwari sa Rizal
Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Gabriela Women’s Party (GWP) sa patuloy na pagpapahintulot ng rehimeng US-Marcos sa operasyong kwari at pagmimina sa prubinsya ng Rizal.
“Habang tinutuon ng rehimeng Marcos ang imbestigasyon sa maanomalyang mga proyekto sa pagkontrol sa baha, ipinapakita ng datos mula sa DENR na pinahintulutan ni Pres. Marcos Jr ang pag-renew ng 10 permit sa pagkwari at pagmina sa prubinsya ng Rizal mula pa 2022,” pahayag ni Sara Elago, pambansang pangalawang tagapangulo ng GWP.
Ayon sa mga residente ng prubinsya, nabawasan ang kagubatan dahil sa pagkakwari na nagdudulot ng pangamba sa kanilang kaligtasan ang pangmatagalang epekto nito pagbaha at pagguho ng lupa.
Umaabot sa 658.5 ektarya ang kabuuang erya na minimina at kinakwari sa prubinsya. Pinakamalaking kumpanya rito ang Concrete Aggregate Corp. na nagmimina sa 211 ektaryang lupa sa Angono, Rizal at Republic Cement and Building Materials na saklaw ang 190 ektarya sa Teresa, Rizal. Nasa 10,000 ektarya ng kagubatan sa prubinsya ang nasira dahil sa pagmimina at pagkwari. Ayon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) Region IV-A, 82% ng kabuuang mineral na namimina sa rehiyon ay mula sa Rizal, kasunod sa Batangas na nasa 15% at Quezon nasa 3%.
“Kung seryoso ang administrasyong Marcos Jr na tugunan ang baha at kalamidad, dapat nitong itigil ang pagbibigay ng permit sa mga mapaminsalang negosyo na ito. Ang kailangan natin ay pangmatagalang solusyon sa sakuna, hindi mga patakarang nakatuon sa tubo at interes ng iilan,” ayon kay Elago.
Nananawagan ang GWP sa komunidad ng Rizal at kalapit na prubinsya na labanan ang mapangawasak na proyektong pagmimina at pagkakwari.
“Dapat tumindig ang mamamayan sa mga kababaihan at pamilya na nalalagay sa panganib dahil sa epekto ng pagsira sa kalikasan,” aniya.