Mga kabataang bilanggong pulitikal sa Negros Occidental, nakalaya
Nakalaya ang mga kabataang aktibista na sina Carmen Jonahville (CJ) Matarlo at John Michael Tecson mula sa higit dalawang taong pagkakakulong matapos ibasura ng korte sa Negros Occidental noong Nobyembre 13 ang mga kasong illegal possession of firearms and explosives na nakasampa laban sa kanila. Inaresto ang dalawa noong Marso 18, 2022 kasama ang konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Ramon Patriarca sa Barangay Suay, Himamaylan City.
Napawalang-sala ang dalawa kasunod ng kabiguan ng mga pulis na ihapag sa korte ang sinasabi nilang bidyo na nakunan ng kanilang mga “body camera.” Taliwas ito sa alegasyon ng pulis na makikita sa natuarng bidyo na nasamsam sa paanan nina Tecson at Matarlo ang mga armas at granada na ipinakita nito sa korte.
Ayon kay Atty. Kristian Jacob Casas-Abad Lora, abugado ng dalawa, ilang ulit silang naghain ng mosyon para ipakita ito sa korte ngunit kalaunan ay inamin din ng upisyal ng pulis na walang gayong bidyo. Palusot ng pulis na umano’y nakasuot ng “body camera” sa operasyon na hindi niya nakunan ang naturang insidente dahil “nagtago siya dahil sa takot.”
Si Matarlo ay nagtapos sa University of the Philippines Cebu noong 2016. Habang nasa unibersidad ay nagsilbi siyang lider-estudyante. Pagkalabas sa pamantasan, naging bise presidente siya para sa Visayas ng Kabataan Party-list. Naging biktima siya ng tangkang pagpatay nang paulanan ng bala ang kanilang fact-finding mission sa Bayawan, Negros Oriental noong 2017.
Kasama nina Tecson at Matarlo si Patriarca sa naturang barangay dahil sa isinasagawa nilang malalimang pag-aaral sa magkakanugnog na asyenda sa lugar na pag-aari ng mga Cojuangco. Inaalam nila noon kung bakit hindi isinali ang asyenda sa pamamahagi ng lupa ng gubyerno at ano ang naging epekto nito sa mga magsasaka at manggagawang-bukid sa komunidad.
Si Tecson ay isang tagapagtanggol ng kalikasan at organisador. Anak siya ng pinaslang na tagapangulo ng Pamalakaya sa Guihulngan City na si Alberto Tecson.