Balita

Mga kasapi ng Kabataang Makabayan, naglunsad ng rali sa Maynila

,

Nagmartsa sa Recto Avenue sa Maynila ang mga kasapi ng Kabataang Makabayan (KM) noong Disyembre 16 bilang paggunita sa kanilang ika-60 anibersaryo at ikalawang taon ng pagkamartir ni Kasamang Jose Maria Sison. Sa gitna ng mataong lugar, mapangahas na isinigaw ng mga kasapi ng lihim na rebolusyonaryong organisasyon ang panawagan sa mamamayan na lumahok sa digmang bayan.

Sa ilang minutong programa sa gitna ng kalsada, ipinahayag ng KM ang kanilang panawagan na ibagsak ang mga Marcos at Duterte sa gitna ng kanilang burukrata-kapitalistang paggigirian. Kinundena nila ang rehimen sa paglulustay nito ng milyun-milyong piso para sa terorista at pasistang kampanya laban sa mga kabataan at mamamayan habang kinakaltasan ang para sa serbisyong panlipunan.

Sa nagdaang dalawang linggo, inilunsad ng mga balangay ng KM sa iba’t ibang unibersidad at komunidad sa Metro Manila, Baguio City, Quezon, Iloilo at ibang prubinsya ang Oplan Pinta-Oplan Dikit (OP-OD) para gunitain ang kanilang anibersaryo noong Nobyembre 30. Samantala, naglathala ng espesyal na isyu ng Kalayaan ang KM-Central Luzon para rito.

Pinaalingawngaw ng KM sa mga aktibidad nito ang panawagan sa mga kabataan na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) at biguin ang tangka ng rehimeng US-Marcos na supilin at tuluyang gupuin ang rebolusyonaryong kilusan sa bansa.

AB: Mga kasapi ng Kabataang Makabayan, naglunsad ng rali sa Maynila