Mga kasong paglabag sa terror law kontra sa 3 aktibista, ibinasura

,

Magkasunod na ibinasura ng mga korte ang patung-patong na mga kasong isinampa ng 59th IB laban sa tatlong aktibista sa Southern Tagalog. Ikinalugod ng mga grupo sa karapatang-tao at ng mga biktima ang naging desisyon ng korte na isaisantabi ang mga kasong ito na anila’y pawang panggigipit at paninindak ng estado.

Noong Nobyembre 21, ibinasura ni Associate City Prosecutor Christian Castro ng City Prosecutor’s Office ng Santa Rosa, Laguna ang mga kasong isinampa laban kay Hailey Pecayo, tagapagsalita ng Tanggol Batangan. Ibinasura ng korte, dahil sa kawalan ng ebidensya, ang dalawang kaso ng paglabag sa RA 9851 o Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and other Crimes Against Humanity; dalawang kaso ng Violation of Sec 4(a) & (d) ng Anti-Terror Law; at Attempted Murder. Isinapubliko ang desisyon ng korte noong Nobyembre 22.

Isinampa ang mga kasong ito ng 59th IB at mga upisyal nitong sina Lt. Col. Ernesto Teneza, Jr., Sgt. Jean Claude Bajaro, at Cpl. Ivan Neil Ogatis laban kay Pecayo matapos isinawalat niya ang papel ng militar sa pagpatay sa 9-taong si Kyllene Casao sa Batangas noong nakaraang taon.

“Pinatunayan [ng desisyon] na walang katiting na lohika ni katotohanan ang mga testimonya ng diumanong ‘rebel returnees’ ng 59th IB na ipinaparada at ginagawang mga utusang aktor para basahin ang kanilang gasgas na iskrip,” pahayag ni Pecayo matapos matanggap ang desisyon.

Kahapon, Nobyembre 23, ibinasura naman ng Antipolo City Prosecutor’s Office ang patung-patong na kasong paglabag sa Seksyon 12 ng Anti-Terror Law na isinampa kina Ken Rementilla at Jasmin Rubia. Isinampa rin ang mga kasong ito ng 59th IB laban sa dalawang aktibista.

Para sa grupong Defend Southern Tagalog, kakatwa ang isinampang kaso ng 59th IB kina Rementilla at Rubia dahil nakatuntong ito sa simpleng pagbisita ng dalawa sa lamay ng batang si Casao noong nakaraang taon.

“Patunay lamang ito ng paggamit sa terror law bilang mapanlinlang na armas laban sa mga kritiko at lahat ng mga lumalaban sa iba’t ibang atake sa kanilang karapatan at kalayaan,” dagdag ng Defend Southern Tagalog. Muli nilang ipinanawagan ang pagbabasura ng batas na ito.

Sa Southern Tagalog, hindi bababa sa 19 na mga aktibista ang sinampahan na ng mga kaso gamit ang mapanupil na Anti-Terrorism Law.

AB: Mga kasong paglabag sa terror law kontra sa 3 aktibista, ibinasura