Mga krimen at karahasan ng 22nd IB, kinundena ng mga Sorsoganon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagdadalamhati ang pamilya at mga residente ng San Juan Daan, Bulan, Sorsogon sa pagkamatay ni Eddie Berania, 58 anyos, magsasaka at kagawad ng barangay. Natagpuan siyang nakabigti sa kanyang kubo bandang alas-7 ng gabi nitong Pebrero 25.

Ayon sa kanyang pamilya, binisita si Berania sa kanyang kubo ng ilang sundalo noong umaga ng araw na iyon. Kasama ng mga sundalo ang surenderi at ngayo’y aset militar na si Ronnie Albao. Mula pa noong 2022, walang patid na hinaharas at pinipilit pasukuin ng mga sundalo si Berania na pinagbibintangan nilang tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan.

Hindi pa matiyak ng pamilya kung nagpatiwakal si Berania dahil sa presyur ng mga pasista o sadya siyang ibinigti ng mga sundalo ng 22nd IB na nanggigipit sa kanya. Nais ng pamilya na paimbestigahan ang pangyayari upang magkaroon ng linaw at mabigyan ng hustisya ang biktima.

Kinundena naman ng Defend Bicol: Stop the Attacks Network at Karapatan Sorsogon ang pagdukot ng pinagkumbinang pwersa ng 22nd IBPA, 59th IB at PNP Sto. Tomas, Batangas kay Jose Marie Estiller, 27, kapatid ng aktibista at dating bilanggong pulitikal na si Jean Estiller nitong Pebrero 20. Nangyari ang pagdukot dakong alas-5 ng hapon sa kanyang apartment sa isang subdibisyon sa Barangay San Pedro, Sto. Tomas, Batangas.

Sa kuha ng security camera ng naturang apartment, makikitang dinukot siya ng may limang lalaki na armado ng mga pistola. Nakilala ang isa sa mga suspek na si Jimmy dela Torre alyas Nick, isang sumukong mandirigma na residente ng Barangay Gabao, Irosin at kasalukuyang aset ng 22nd IB. Ayon naman sa pahayag ni P/Col Ariel Red ng CIDG Region 5 ay sumuko diumano si Estiller sa 903rd Brigade noong Pebrero 23. Hindi pa inililitaw si Estiller hanggang sa kasalukuyan.

Takot at abala sa trabaho naman ang hatid ng mga operasyong kombat at pagsosona sa mga baryo na isinasagawa ng 22nd IB sa mga baryo ng Macabari, Sta. Lourdes sa bayan ng Barcelona at Sta. Barbara, San Francisco, San Jose, Tinampo, San Bernardo sa bayan ng Bulusan. Ayon sa mga sibilyan, hinihingan sila ng ID ng mga sundalo tuwing pumapasok sa naturang mga barangay.

Kasalukuyan namang nakakampo ang mga sundalo sa barangay hall at covered court ng mga baryo sa San Antonio, Alegria at Bugtong sa bayan ng Barcelona; Cadandanan, Beguin, San Juan Daan at Calpi sa bayan ng Bulan; at Lajong sa bayan ng Juban.

Kinundena ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Sorsogon “ang tuluy-tuloy na pananalasa ng AFP at PNP sa probinsya, sa pamumuno ng tiranikong pasista at teroristang rehimeng US-Marcos. Dapat magkaisa ang mga Sorsoganon para ilantad, kundenahin at labanan ang lahat ng porma ng paglabag ng mga pasista at mga alipores nito sa karapatang-tao ng mamamayan.”

“Nananawagan din kami sa mga kagawad ng midya na pumanig sa hanay ng mga inaapi at magsilbing totoong boses ng mga Sorsoganon” dagdag pa ng PKM-Sorsogon. (ulat ng Radyo Bulusan)

AB: Mga krimen at karahasan ng 22nd IB, kinundena ng mga Sorsoganon