Mga magsasaka, kinundena ang kawalang-ayuda sa panahon ng El Niño

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Wala o halos walang matatanggap na ayuda ang mga apektadong magsasaka, mangingisda at mga manggagawang bukid sa panahon ng El Niño. Ito ang resulta ng mga pagsisiyasat ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa Negros Occidental, pagkatapos pa ng el El Niño makatatamasa ang mga apektadong magsasaka. Ito ang napag-alaman nila nang makipagdayalogo sila sa lokal na upisina ng Department of Agriculture noong Marso 20. Palusot ng DA, walang probisyon o guidelines ang ahensya para sa anumang cash assistance at ayudang bigas para sa mga magsasaka, mangingisda at manggagawang bukid na lubos na apektado ng tagtuyot. Ang tanging ipinangako ng DA ay papalitan ang mga punla, pataba at mga alagang hayop ng mga nasalanta.

Ayon sa pambansang upisina ng KMP, ganito rin ang kalagayan ng mga magsasaka sa Isabela at Bicol. “Napakaunti sa halos walang tunog ang nakukuha (nila) sa gubyerno,” ayon sa grupo sa kanilang pahayag noong Marso 25. Ganito rin ang ulat ng mga magsasaka sa mga lalawigan ng CALABARZON.

“Walang lumalapag na tulong sa mga magsasaka sa kabila ng mga engrandeng pahayag mula sa Task Force El Niño, DA at kay Secretary Francis Tiu-Laurel na nagbigay na ang gobyerno ng Php379.06 milyong tulong para sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng El Niño,” ayon sa KMP. Ang panlilinlang na ito ay dagdag sa walang katapusang pagdurusa ng mga magsasaka, ayon sa pangkalahating kalihim ng grupo na si Ronnie Manalo.

Ipinagmalaki ng DA na magbibigay ito ng PHP500 milyong credit assistance sa mga magsasaka at mangingisda, Php1.8 bilyon insurance claims — o hindi bababa sa PHP25,000 credit assistance sa bawat apektadong magsasaka at mangingisda at maximum na PHP20,000 na insurance claim.

“(A)ng mga credit assistance at insurance claim na ito ay maaari lamang ma-access ng mga magsasaka at mangingisda na kasama sa RSBSA o rehistro ng gobyerno,” ayon sa KMP. “Pinapalabas ng DA na tulong sa mga biktima ng El Niño ang dati nang mga programang pinopondohan gaya ng Rice Farmers Financial Assistance at fuel subsidy programs. Pero lalabas talaga na walang anumang tulong o ayuda para sa mga biktima ng El Niño, lalo na sa mga magsasaka at mangingisda.”

AB: Mga magsasaka, kinundena ang kawalang-ayuda sa panahon ng El Niño