Balita

Mga magsasaka sa Bicol, inimbestigahan ang korapsyon sa imprastraktura sa rehiyon

, ,

Naglunsad ng pagsisiyasat ang mga myembro ng Kilusang Magbubukid ng Bicol (KMB) noong Agosto 16-17 sa Libon, Albay hinggil sa mga flood control project sa prubinsya. Layunin nilang alamin ang sitwasyon ng mga komunidad sa palibot ng naturang mga proyekto laluna sa harap ng mga boladas ng rehimeng Marcos hinggil sa pagtugis sa palpak na mga flood control project sa bansa.

Ayon sa KMB, talamak ang korapsyon at kriminal na kapabayaan sa mga ipinatupad na mga proyekto ng gubyerno para sa pagpigil sa pagbaha. Mayroong 853 proyekto ang sinasabing natapos noong 2022, kabilang ang 273 sa Albay, 252 sa Camarines Sur at 124 sa Sorsogon. Gayunpaman, ang mga prubinsya na ito ang pinaka-apektado ng pagbaha dulot ng mga bagyo noong nakaraang taon.

Sa pagsisiyasat ng grupo, marami sa mga proyekto ang na-“chop-chop” o nahati-hati sa maraming bahagi at hindi tinapos. Kabilang sa palpak na proyekto na ito ay ang San Agustin Flood Control Dike sa Libon, Albay na hinati sa apat na bahagi ang pagbuo at sinasabing natapos sa pagitan ng 2022 at 2024. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagbaha sa lugar na sakop ng dike.

Maraming proyekto rin ang inulit at nagpatung-patong, na nagkakahalaga ng ₱200 milyon kada isa. Batay sa pagsusuri, nasa 40% na badyet ng proyekto ang napupunta sa aktwal na konstruksyon, habang ang 60% ay napupunta sa mga pulitiko, mga upisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sa Department of Budget and Management at Commission on Audit.

Ang mga burukratang kapitalista na dinastiyang Co ng Bicol ang may pinakamarami at pinakamalaking flood control projetct na may bilyun-bilyong pondo sa Bicol at sa ibang lugar sa Pilipinas. Pag-aari ni Zaldy Co, kinatawan ng Ako Bicol Party-list, ang Sunwest Inc; ni Christopher Co ang Hi-Tone; at ni Farida Co, bise gubernador ng Albay, ang FS Co Builders and Supply. Sila rin ang may-ari ng malakihang operasyong kwari sa paligid at paanan ng Bulkang Mayon na nagiging dahilan ng palagiang pagbaha sa mga barangay sa paanan nito.

Sa Sorsogon, ang Centerways Construction ang nakakuha ng 52 sa 125 flood control project sa prubinsya na nagkakahalaga ng kabuuang ₱5.6 bilyon. Inamin mismo ni Chiz Escudero, presidente ng senado, na tumanggap siya ng ₱30 milyong pondo pangkampanya noong eleksyong 2022 mula sa may-ari ng kumpanya na si Lawrence Lubiano.

Malawakang binatikos si Escudero hinggil dito. Labag sa batas ang pagtanggap ng pondo ng mga pulitiko mula sa mga kontratista sa konstruksyon. Dagdag rito, ang kumpanyang Aremar Construction Corp at ‘dummy’ na korporasyong CT Leoncio Construction and Trading ay pagmamay-ari ng pamilyang Hamor at matagal nang nakakuha ng bilyun-bilyong halaga ng iba’t ibang klaseng proyekto sa imprastraktura sa prubinsya.

Isa na dito ang flood control project para sa bayan ng Casiguran noong 2024 na nagkakahalaga ng ₱325 milyon na pinangangasiwaan ng Aremar Construction. Noong 2020 umabot sa ₱1.73 trilyon ang halaga ng 47 proyekto na hawak ng CT Leoncio, kung saan ₱306.71 milyon mula dito ay para sa 18 flood control project para sa prubinsya ng Catanduanes at Sorsogon. Si Jose Edwin “Boboy” Hamor ang kasalukuyang gubernador ng probinsya at matagal na nanungkulan bilang meyor ng Casiguran, habang ang asawa, anak at kapatid niya ay kasalukuyang nanunungkulan bilang meyor sa tatlong munisipyo sa prubinsya.

Maliban sa maanomalyang mga flood control project, nagdudulot ng malawakang pagbaha ang ginagawang mga coastal road project sa Sorsogon city, na pinangangasiwaan ng Aremar Construction at Centerways Construction. Dahil sa sementadong mga baybaying dagat at sinirang mga bakawan, wala nang daanan palabas ang naiipong tubig at buhos ng tubig mula sa bundok tuwing may malakas na pag-ulan.

“Ang sinasabing mga flood control project na ito ay walang iba kundi raket para magkamal ng malaking yaman ang mga dinastiya sa pulitika at mga pinaborang kontraista, habang ang mga Bicolano ay pinababayaang malunod sa baha at utang,” paliwanag ni Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Ayon kay Ramos, ang inisyal na imbestigasyon ng KMB ay nagpapakita ng malalim na korapsyon sa konstruksyon kung saan ginagawa itong palabigasan. “Sa bawat mapanlinlang na proyekto, maraming buhay ang nawawala, mga komunidad na nalulubog at maraming magsasaka at mahihirap na pamilya ang lalong nalulunod sa kahirapan taun-taon,” dagdag niya

“Hamon ngayon sa mamamayang Bicolano, ang tumindig, magsalita at makiisa para singilin at panagutin ang lahat ng sangkot sa palpak at korap na mga flood control project sa Bicol,” pahayag ng KMB.

AB: Mga magsasaka sa Bicol, inimbestigahan ang korapsyon sa imprastraktura sa rehiyon