Mga magsasaka sa Hacienda Luisita, nagsampa ng reklamo sa Commission on Human Rights
Nagsampa ng panibagong reklamo ang Alyansa ng Magbubukid sa Asyenda Luisita (Ambala), kasama ang Karapatan-Central Luzon, sa Commission on Human Rights (CHR) Central Office noong Oktubre 20 dahil sa nagpapatuloy na panggigipit at Red-tagging ng militar sa mga magsasaka sa Hacienda Luisita.
Nitong mga nagdaang buwan, naging target ng koordinadong atake ang mga myembro ng Ambala. Kumalat sa komunidad ng Hacienda Luisita ang mga paskil na pekeng impormasyon na “ginagamit” ang Ambala ng mga alyadong grupo na Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson at Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura. Malinaw na tangka ito ng militar na lumikha ng kaguluhan at pagkawatak-watak sa mga magsasaka.
Naglunsad din ng house-to-house at interogasyon ang mga sundalo, bitbit ang mga litrato ng mga lider ng Ambala. Pinagsabihan nila ang mga magsasaka na huwag “makikipagtulungan” sa organisasyon at pinagbantaang maaring makulong o mapatay.
Binantaan naman ng mga sundalo mula sa 3rd Mechanized Infantry Battalion at Northern Luzon Command sina Florence Dalapag, tagapangulo ng Ambala sa Barangay Parang at Analyn Baluyut, tagapangulo ng grupo sa Barangay Lourdes.
“Ang mga panggigipit, pananakot at Red-tagging ay malinaw na paglabag sa karapatang-tao. May karapatan ang mamamayan na mag-organisa, ipahayag ang kanilang hinaing at manawagan ng hustisya. Hindi ito (operasyon ng mga sundalo) “para sa kapayapaan,” ito ay operasyon na utos ng estado para supilin at buwagin ang organisadong lakas ng mga maralita,” paliwanag ng grupo.
Nanawagan ang Karapatan-CL sa CHR Central Office na kagyat na mag-imbestiga at gumawa ng kongkretong hakbang upang maprotektahan ang mga myembro ng Ambala at kanilang pamilya, at mapanagot ang mga sundalo at ahente sa panggigipit sa kanila.