Mga mambabatas mula sa 70 bansa, dumalo sa pandaigdigang porum kontra pasismo
Higit 300 mambabatas mula sa 70 bansa ang nagtipun-tipon at nakiisa sa World Anti-Fascist Parliamentary Forum na inilunsad sa Caracas, Venezuela noong Nobyembre 4-5. Ipinatawag at pinangunahan ang aktibidad ng Pambansang Asembleya ng Venezuela.
Kabilang sa mga dumalo sa pagtitipon ang mga kinatawan at mambabatas mula sa Algeria, Mexico, Belize, the Netherlands, Barbados, Bolivia, Ecuador, Panama at Colombia, Cuba, China, Russia, Iran, Palestine, at iba pang mga bansa mula sa Africa, Latin America at Europe. Dumalo rin ang mambabatas mula Pilipinas na si Rep. France Castro ng ACT Teacher’s Party-list.
Idineklarang mayor na layunin ng pagtitipon ang likhain ang masaklaw na pandaigdigang diskusyon sa pagtatanggol sa soberanya ng mga bansa at pagbubuo ng isang higit na makatarungan at patas na daigdig. Nagbuo ang mga delegado ng kongkretong mga plano para tugunan ang kasalukuyang mga suliranin na kinahaharap sa buong daigdig at ipagtanggol ang mga prinsipyo ng demokrasya at karapatang-tao.
Naging paksa sa mga talakayan ang parlamentaryong demokrasya para sa kapayapaan; ang ugnayan sa pagitan ng imperyalismo, pasismo at Zionismo; blokeyong ipinapantaw sa maraming bansa; ang pagtatanggol sa karapatang-tao; at iba pang kaugnay na paksa.
Ibinahagi ni Rep. Castro sa kanyang talumpati sa pagtitipon ang karanasan sa pasismo ng estado sa Pilipinas. Naging target si Rep. Castro ng iba’t ibang tipo ng pasistang panunupil mula noong organisador siya ng Alliance of Concerned Teachers hanggang ngayong kinakatawan na niya ng ACT Teachers Partylist sa Kongreso.
Si Castro at 14 na iba pa ay di makatarungang hinatulang maysala ng isang korte sa Tagum City noong Hulyo 2024 sa kaso ng pagsasapanganib sa mga menor de edad. Kaugnay ito sa pagsaklolo nila, kasama ng iba pa, sa mga guro at 14 estudyante sa Sityo Dulyan, Barangay Palma Gil, Talaingod Davao del Norte, na naipit sa militarisasyon at panggigipit sa kanilang komunidad. Malaon nang binatikos ang hatol ng mga grupo sa karapatang-tao bilang gawa-gawa at tahasang panunupil sa kanyang mga adbokasiya.
Ang pagtitipon ng mga mambabatas ay kaugnay ng inilunsad ng mamamayan at gubyerno ng Venezuela ang Pandaigdigang Kongreso laban sa Pasismo, Neopasismo at Katulad na mga Ekspresyon noong Setyembre. Hindi bababa sa 1,200 mga delegado, kabilang ang 500 internasyunal na delegado, mula sa 95 mga bansa ang lumahok sa kongreso. Dumalo dito ang kinatawan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).