Balita

Mga manggagawa, nanawagan para sa ₱1,200 nakabubuhay na sahod nationwide sa Mayo 1

,

Libu-libong manggagawa, kasama ang kabataan at iba pang demokratikong sektor, ang nagmartsa tungong Mendiola sa Maynila ngayong Araw ng Paggawa. Bago sila makarating, hinarang sila ng nakabarikadang mga pulis sa harap ng University of East sa Recto.

Sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU), nanawagan ang mga manggagawa na itaas ang kanilang sahod sa nakabubuhay na antas sa buong bansa.

Marapat na itaas ang minimum na sahod sa nakabubuhay na antas na ₱1,200 dahil sa tumataas na halaga ng pamumuhay at ilang dekada nang tigil na pagtaas ng sahod, ayon sa KMU. Sa ngayon, nasa 36% hanggang 54% ang natatanggap na sahod ng mga manggagawa kumpara sa kanilang pangangailangan. Panawagan nilang buwagin ang mga regional wage board na naggagawad ng barya-baryang pagtaas at ipatupad ang dagdag-sahod sa pambanang antas.

“Ang nakabubuhay na sahod ng ₱1,200 para sa pamilya ay kinakailangan upang matiyak na may panggastos ang mga manggagawa para sa pagkain, pabahay, gamot, at transportasyon,” ayon sa KMU.

Panawagan rin ng mga manggagawa ang pagwawakas sa kontraktwalisasyon at pagtatanggol sa karapatan sa unyon, kabilang ang karapatan sa pag-oorganisa at pakikipag-ayos sa collective bargaining agreement.

Sa Cebu, pinangunahan ng AMA Sugbo at Partido Lakas Masa ang pagkilos, habang inorganisa naman ng KMU-Cordillera ang rali sa Baguio City. Naglunsad ng katulad na mga pagkilos ang mga manggagawa sa Panay, Bicol, Laguna, Cavite, Bacolod, Pampanga, Davao at Iligan.

Kasabay ng Araw ng Paggawa, ipinagdiriwang din ng KMU ang ika-45 anibersaryo nito. “Patuloy kaming lalaban para sa nakabubuhay na sahod, seguridad sa trabaho, at mas matatag na karapatan sa unyon hanggang sa matugunan ang aming mga panawagan,” panata ng grupo.

Samantala, ang taging tugon ng rehimeng Marcos ay “pag-aaralan” nito ang panawagang ₱200 dagdag-sahod na inihapag sa kanya ng National Wage Coalition (NWC), isang malawak na alyansa ng iba’t ibang grupo sa paggawa. Nagsimula ang panawagan para sa ₱200 across the board matapos ipagkaloob ni Marcos ang ₱200 dagdag sa arawang alawans sa mga sundalo at pulis.

“Ang panawagan natin ay para kay Marcos na mamuno mula sa harap, at hindi sa likod ng mga paulit-ulit na direktiba ng mga depektibong wage board,” ayon sa pinag-isang pahayag ng NWC. Kung maipatutupad, ang ₱200 dagdag-sahod ang magiging unang legislated na taas-sahod sa nakaraang 36 na taon.

Liban sa KMU, binubuo ang NWC ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Nagkaisa Labor Coalition at Trade Union Congress of the Philippines. Bahagi naman ng Nagkaisa ang Federation of Free Workers, Partido Manggagawa, Alliance of Progressive Labor at Public Services Labor Independent Confederation.

AB: Mga manggagawa, nanawagan para sa ₱1,200 nakabubuhay na sahod nationwide sa Mayo 1