Mga manggagawa ng Central Visayas, nainsulto sa karampot na ₱39 dagdag sahod
Itinuring na insulto ng mga manggagawa sa Central Visayas at ng Alyansa sa mga Mamumuo sa Sugbo-Kilusang Mayo Uno (Ama Sugbo-KMU) ang kamakailang inaprubahan na ₱39 dagdag sahod ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board’s (RTWPB)-Region 7. Itataas nito tungong ₱500-₱540 ang arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa rehiyon, malayong-malayo sa ₱1,200 family living wage.
Ayon kay Jaime Paglinawan, tagapangulo ng Ama Sugbo-KMU, sampal sa mukha ng manggagawa ang barya-baryang dagdag sahod. Aniya, ang mga manggagawa ang nagpapatakbo ng ekonomya sa Central Visayas, na binansagang “pinakamabilis na lumalagong ekonomya” sa bansa noong 2024, ngunit walang malasakit ang estado sa kanilang kalagayan.
Doble ang sama ng loob ng mga manggagawa sa kakarampot na dagdag sahod laluna at sunud-sunod ang pagkakalantad ng mga kaso ng katiwalian at korapsyon sa loob ng gubyerno at mga kontratista. “Nagnakaw na nga sa kaban ng bayan, ninakawan pa ang dagdag sahod na para sana sa mga manggagawa,” ayon kay Paglinawan.
Aniya, sa harap ng matingkad na hindi pagkakapantay-pantay ay nanlilimos ang mga manggagawa para sa dagdag sahod habang ang mga pulitiko sa Kongreso, Senado at Malacañang ay sumusweldo ng ₱120,000 hanggang ₱400,000 kada buwan.
“Binuo ang RTWPB hindi para tiyakin ang dignidad ng mga manggagawa, kundi para isadlak sila sa mahirap na pamumuhay,” aniya. Dati nang ipinapanawagan ng Ama Sugbo at KMU ang pagbabasura sa wage rationalization at klasipikasyon na nagtatakda ng iba-ibang sahod sa kada rehiyon at paraan para baratin ang dagdag sahod.
Ayon kay Paglinawan, karapatan ng bawat manggagawa sa rehiyon at sa bansa na igiit ang isang nakabubuhay na sahod na makapagbibigay sa kanila ng disenteng pamumuhay. Patuloy ang panawagan ng Ama Sugbo-KMU para itaas ang sahod tungong ₱1,200 family living wage.