Mga manggagawa ng PLDT, bumoto pabor sa pagwewelga

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pabor sa paglulunsad ng welga ang mga manggagawa ng Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) sa harap ng pagtanggi ng maneydsment ng kumpanya na harapin ang Manggagawa sa Komunikasyon ng Pilipinas (MKP) para sa negosasyon sa bagong collective bargaining agreement (CBA) para sa 2024-2027. Umabot sa 3,371 kasapi o 99.4% ng kabuuang bilang ng mga bumoto (3,390) at 83.4% ng kabuuang kasapian ng unyon (4,041) ang pumabor sa welga.

Inilunsad ng mga manggagawa ang strike vote o pagbotong magwelga noong Mayo 14 hanggang 15 sa lahat ng sangay at upisina ng PLDT sa bansa. Isinumite ng MKP ang resulta ng botohan sa Regional Conciliation and Mediation Board-National Capital Region. Ayon sa upisyal ng unyon, magkakaroon ng pitong araw na “cooling off period” bago nila iputok ang welga.

Noon pang Pebrero 19 nagsumite ang MKP sa maneydsment ng pabatid para sa negosasyon at kanilang mga kahingian. Ngunit makalipas ang tatlong buwan, nananatiling walang tugon at plano ang kumpanya na harapin ang unyon para sa negosasyon. Paliwanag ng unyon, sadyang pinatatagal at inaantala ng kumpanya ang negosasyon para lumampas sa nakatakdang panahon na nakasaad sa batas paggawa ng Pilipinas.

Anang unyon, kung lalampas sa palugit na anim na buwan mula nang magsumite ng pabatid, maaaring hindi na matanggap ng mga manggagawa ang hanggang walong buwan na retroactive pay (kabilang ang maidadagdag sa sweldo ng mga manggagawa na makakamtan sa CBA). Iginigiit umano ng maneydsment ng PLDT na sa Agosto o Setyembre pa simulan ang negosasyon dahil ito umano ang “tradisyon” at nakagawiang proseso sa nakaraan.

Ipinanawagan din ng mga manggagawa ang pagbibigay ng kumpanya ng karampatang mga kagamitan at kabayaran sa panahong gumagampan ng kanilang trabaho ang mga manggagwa. Kabilang sa mga hindi binabayaran ng PLDT ang emission testing, pagpapalinis ng sasakyan (carwash) at iba pang gastusin sa pagpapanatili ng mga sasakyang gamit ng mga manggagawa.

Giit din nila ang regularisasyon sa higit 7,000 kontraktwal na manggagawa ng PLDT sa installation, repair, at maintenance ng mga linya. Sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema noong Marso na dapat iregularisa ang mga manggagawa ng PLDT, patuloy pa rin itong binabalewala ng kumpanya.

Ang PLDT ay ang pinakamatanda at pinakamalaking kumpanya sa telekomunikasyon sa bansa. Noong 2023, ang kabuuang kita ng kumpanya ay lumobo tungong ₱26.1 bilyon mula sa ₱10.49 bilyon na kita noong 2022. Ang kumpanya ay pag-aari ng bilyonaryong Indonesian na si Anthoni Salim sa pamamagitan ng Pilipinong burgesya kumprador na si Manny Pangilinan.

AB: Mga manggagawa ng PLDT, bumoto pabor sa pagwewelga