Mga manggagawang pangkalusugan, nagmartsa para sa dagdag-sweldo

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sa taunang paggunita sa Araw ng mga Manggagawang Pangkalusugan noong Mayo 7, nagmartsa ang mga manggagawang pangkalusugan sa Maynila at Baguio City para igiit ang nakabuhuhay na sweldo, seguridad sa trabaho, dagdag na mga tauhan sa ospital, mga karapatan sa paggawa at karapatan ng mamamayang Pilipino sa kalusugan.

Pinangunahan ang martsa ng Health Workers United for Wage Increase (HWUWI) at Coalition of Health Workers’ Organizations in the Cordillera. Inilunsad naman ng mga unyong kasapi ng Alliance of Health Workers (AHW) ang mga protesta at iba pang tipo ng aktibidad sa mga syudad ng Iloilo, Bacolod, at Cebu, sa Camarines Norte, at mga rehiyon ng Soccsksargen at BARMM.

“Nagtipon at nagkaisa tayo ngayong araw dahil ito ang pinakamahalaga at pinakaakmang araw para ipaglaban ang ating mga karapatan at kagalingan,” pahayag ni Robert Mendoza, pambansang pangulo ng AHW at tagapagtipon ng Health Workers United for Wage Increase. Aniya, imbis na magdiwang ay magkakasama ang mga manggagawang pangkalusugan sa lansangan para magprotesta dahil sa patuloy na pagbalewala ng rehimeng Marcos sa kanilang karapatan at kagalingan.

Salaysay pa niya, sa loob ng dalawang taon sa poder ni Marcos ay higit lalong naging miserable ang kalagayan ng mga manggagawang pangkalusugan. Dahil sa labis-labis na kakulangan sa mga ospital, natutulak na magtrabaho nang 12 hanggang 24 oras ang mga manggawang pangkalusugan, dagdag pa sa hindi sapat na kompensasyon. Ito umano ang dahilan kung bakit ang iba ay umaalis na sa trabaho, maagang pumapasok sa retirement o nangingibang bansa pfhuara magtrabaho.

Sumusweldo lamang ang Salary Grade 1 (SG1) na mga pampublikong manggawang pangkalusugan o ₱13,000 kada buwan habang ₱610 kada araw ang mga nasa pribado. “Kaya makabuluhan na kagyat nating igiit ang ₱33,000 sweldo para sa mga bagong manggawang pangkalusugan para makaagapay sa araw-araw na pangangailangan,” ayon naman kay Sally Ejes, pangulo ng Philippine Heart Center Employees Association-AHW.

Liban dito, panawagan din nilang ibigay na ang hindi pa nababayarang mga alawans kabilang ang Health Emergency Allowance (HEA) sa mga pribadong ospital at mga manggagawang pangkalusugan sa ilalim ng lokal na mga gubyerno at Performance Based-Bonus (PBB) para sa 2021-2023 ng mga nasa pampublikong ospital. Dapat din umanong dagdagan na ang regular na mga manggagawang pangkalusugan para makaagapay sa pagbibigay ng maayos na serbisyong pangkalusugan sa publiko.

Sa datos ng Department of Health (DOH) noong 2022, mayroon itong 16,951 kaswal na mga empleyado at 9,947 kontraktwal na mga manggawang pangkalusugan sa ilalim ng Human Resources for Health (HRH). Ayon pa sa AHW, nakatakdang mag-empleyo ang DOH ng 26,035 kontraktwal na doktor, nars, kumadrona, dentista at iba pang propesyunal sa kalusugan sa ilalim ng National Health Workforce Support na programa nito sa mga kanayunan at malalayong lugar.

“Ayon sa Department of Budget and Management, mayroong 17,000 pusisyong plantilla ang Department of Health na hindi pinupunan. Matagal na kaming nananawagan ng maramihang pagdagdag ng empleyado kahit pa bago at noong panahon ng pandemya, pero nananatiling bingi at walang puso ang gubyernong ito sa aming mga kahingian,” pahayag ni Edwin Pacheco, pangulo ng National Kidney and Transplant Institute Employees Association-AHW.

Sa araw na iyon, binatikos naman ng Health Alliance for Democracy (HEAD) ang makasarili at makadayuhang mga programa ng rehiemng US-Marcos sa halip na pondohan ang serbisyong panlipunan kabilang na ang kalusugan. Anang grupo, napakalaking pondo ang kinurakot at nilustay ng rehimen sa confidential at intelligence funds, pagratsada ng charter change at sa inilunsad na Balikatan 39-24.

“Manindigan at makibaka tayo bilang mga manggagawang pangkalusugan, at bilang mga Pilipino. Igiit natin ang sweldo, trabaho, at libreng serbisyong pangkalusugan. Itaguyod natin at ipaglaban ang ating soberanya,” panawagan ng grupo.

AB: Mga manggagawang pangkalusugan, nagmartsa para sa dagdag-sweldo