Mga mangingisda ng Navotas City, nagpetisyon kontra demolisyon ng mga tahungan at baklad

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagpiket ang mga mangingisda ng Navotas City sa pangunguna ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya)-Navotas ngayong araw, Hunyo 14, sa Navotas Regional Trial Court (RTC) kasabay ng paghahain nila ng petisyon para ipatigil ang demolisyon ng lokal na gubyerno sa kanilang mga tahungan at baklad. Hiniling ng 400 petisyuner sa korte na maglabas ng writ of preliminary injunction at temporary restraining order (TRO) laban sa demolisyon.

Libu-libong mga mangingisda, manggagawa at manininda sa syudad ang nawalan ng kabuhayan dahil sa demolisyon sa daan-daang tahungan sa baybayin sa Navotas City. Nagsimula ang demolisyon noong Marso 16, saklaw ang mahigit anim na kilometrong haba at tatlong kilometrong lapad ng tahungan.

Naniniwala ang mga residente na walang katotohanan ang sinasabi ng lokal na gubyerno na batay sa Supreme Court mandamus noong 2008 na nag-utos sa paglilinis ng Manila Bay ang pagbabaklas sa kanilang mga tahungan at baklad. Anila, malinaw na para ito sa 650-ektaryang Navotas Bay Reclamation Project na itinutulak ng lokal na gubyerno at kasosyo nitong Argonbay Construction Company. Ang Argonbay ay subsidyaryo ng San Miguel Corporation na pag-aari ni Ramon Ang.

Sa petisyon, hiniling din ng mga residente sa korte na ibalik ng lokal na gubyerno ang mga dinemolis nitong mga tahungan.

“Hinihiling namin na mabilis na tugunan ng korte ang kasong ito. Hinihimok din namin ang lahat ng mga mangingisda sa Navotas at Manila Bay na magkaisa at igiit sa kinauukulang mga ahensya ng gubyerno na itigil ang tuluyang pagwasak sa ating pangisdaan, na bumubuhay sa libu-libong mamamayan,” ayon kay Ka Fernando Hicap, pambansang pangulo ng Pamalakaya.

Isa ang Navotas Bay Reclamation Project sa 22 proyektong reklamasyon sa Manila Bay. Sa datos ng Philippine Reclamation Authority (PRA) noong 2023, mayroong 187 kasalukuyang umiiral at aprubadong mga proyektong reklamasyon sa buong bansa.

AB: Mga mangingisda ng Navotas City, nagpetisyon kontra demolisyon ng mga tahungan at baklad