Mga mangingisda sa Navotas, tumutol sa pagbaklas sa kanilang mga tahungan at baklad

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagrali ang mga mangingisdang kasapi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa baybayin sa Navotas City noong Marso 15 para tutulan ang atas sa kanila ng lokal na gubyerno na baklasin ang kanilang mga tahungan at baklad para bigyang daan ang Navotas Bay Reclamation Project. Ang 650-ektaryang reklamasyon ay itinutulak ng lokal na gubyerno at kasosyo nitong Argonbay Construction Company, subsidyaryo ng San Miguel Corporation na pag-aari ni Ramon Ang.

Simula pa 2022, paulit-ulit nang ipinag-utos ng lokal na gubyerno ng Navotas na baklasin ang 200 tahungan at iba pang istrukturang pangisda sa naturang baybayin. Apektado rito ang hindi bababa sa 1,000 mangingisda, magtatahong at mga trabahante sa pangisdaan. Hindi na rin tumanggap ang lokal na gubyerno ng aplikasyon ng bagong permit para sa operasyon ng mga ito.

Ayon sa Pamalakaya, ang pinakahuling atas ay tiyak na makaaapekto sa mas marami pang mga mangingisda at kanilang pamilya na nakasalalay dito ang kabuhayan. Mula nang simulan ang mga reklamasyon sa kanilang baybayin noong nakaraang taon, bumagsak nang 80% ang kanilang arawang kita mula sa pangingisda.

Kinundena rin ng mga mangingisda sa protesta ang iniulat nilang tuluy-tuloy na operasyong pagtatambak sa erya na patagong isinasagawa tuwing gabi. Ang 650-ektaryang reklamasyong ito ay isa lamang sa 22 proyektong reklamasyon na aprubado sa Manila Bay. Sa datos ng Philippine Reclamation Authority (PRA) noong 2023, mayroong 187 kasalukuyang umiiral at aprubadong mga proyektong reklamasyon sa buong bansa.

“Ang kailangan ng mga mangingisda ay tunay na rehabilitasyon na magbabalik ng dating sigla ng Manila Bay, hindi mga proyekto na sisira sa kabuhayan ng libu-libong mangingisda at sa kapaligiran,” pahayag ni Ka Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya.

AB: Mga mangingisda sa Navotas, tumutol sa pagbaklas sa kanilang mga tahungan at baklad